1987 KONSTITUSYON ng
REPUBLIKA NG P1LIP1NAS
PANIMULA
Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos, upang bumuo ng isang makatarungan at makataong lipunan at magtatag ng isang Pamahalaan na kakatawan sa aming mga mithiin at mga lunggatiin, magtataguyod ng kabutihan ng bawat isa, mangangalaga at magpapaunlad ng aming kamanahan, at titiyak para sa aming sarili at angkanang susunod ng mga biyaya ng kalayaan at demokrasya sa ilalim ng pananaig ng batas at ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig, pagkakapantay-pantay at kapayapaan, ay naglalagda at naghahayag ng Konstitusyong ito.
ARTIKULO I
ANG PAMBANSANG TERITORYO
Ang pambansang teritoryo ay binubuo ng kapuluang Pilipinas, kasama ang lahat ng mga pulo at mga karagatan na nakapaloob dito, at lahat ng iba pang mga teritoryo na nasa ganap na kapangyarihan o hurisdiksyon ng Pilipinas, na binubuo ng mga kalupaan, katubigan, at himpapawirin nito, kasama ang dagat teritoryal, ang lalim ng dagat, ang kailaliman ng lupa, ang mga kalapagang insular, at ang iba pang mga pook submarina nito. Ang mga karagatang nakapaligid, nakapagitan at nag-uugnay sa mga pulo ng kapuluan, maging ano man ang lawak at mga dimensyon ay nag-aanyong bahagi ng panloob na karagatan ng Pilipinas.
ARTIKULO II
PAHAYAG NG MGA SIMULAIN
AT MGA PATAKARAN NG ESTADO
MGA SIMULAIN
SEKSYON 1. Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.
SEK. 2. Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyonal na kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katanungan, kalayaan, pakikipagtulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.
SEK. 3. Ang awtoridad na sibilyan ay sumasaibabaw ng sa militar sa lahat ng panahon. Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tagapangalaga ng Sambayanan at ng Estado. Ang layunin nito ay seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Estado at ang integridad ng pambansang teritoryo.
SEK. 4. Ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan ay paglingkuran at pangalagaan ang sambayanan. Maaaring tawagan ng pamahalaan ang sambayanan upang ipagtanggol ang Estado, at sa ikatutupad niyon, ang lahat ng mga mamamayan ay maaaring atasang maghandog ng personal na serbisyo militar o sibil, sa ilalim ng mga kondisyong itinatakda ng batas.
SEK. 5. Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ariarian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ng demokrasya.
SEK. 6. Hindi dapat labagin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at ng Estado.
MGA PATAKARAN NG ESTADO
SEK. 7. Dapat sundin ng Estado ang isang malayang patakarang panlabas. Sa mga pakikipag ugnay nito sa ibang mga estado, dapat unang-unang isaalang-alang ang ganap na kapangyarihang pambansa, integridad na teritoryal, kapakanang pambansa, at ang karapatan sa sariling pagpapasya.
SEK. 8. Tinatanggap at sinusunod ng Pilipinas, nang naaalinsunod sa kapakanang pambansa, ang patakarang malaya laban sa pagkakaroon ng mga sandatang nuklear sa teritoryo nito.
SEK. 9. Dapat itaguyod ng Estado ang makatwiran at dinamikong kaayusang panlipunan na titiyak sa kasaganaan at kasarinlan ng bansa at magpapalaya sa sambayanan laban sa kahirapan sa pamamagitan ng mga patakarang nagtatakda ng sapat na mga lingkurang panlipunan, nagtataguyod ng pagkakataon na makapaghanapbuhay ang lahat, umaangat na istandard ng pamumuhay at ng lalong mainam na uri ng buhay para sa lahat.
SEK. 10. Dapat itaguyod ng Estado ang katarungang panlipunan sa lahat ng mga yugto ng pambansang pagpapaunlad.
SEK. 11. Pinahahalagahan ng Estado ang karangalan ng bawat tao at ginagarantyahan ang lubos na paggalang sa mga karapatang pantao.
SEK. 12. Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampamilya at dapat pangalagaan at patatagin ang pamilya bilang isang saligang institusyong panlipunan. Dapat nitong pangalagaan kapwa ang buhay ng ina at ang buhay ng sanggol sa sinapupunan mula sa paglilihi. Ang likas at pangunahing karapatan at tungkulin ng mga magulang sa pagmumulat sa kabataan para sa kahusayang sibiko at pagpapaunlad ng karakter na moral ay dapat tumanggap ng tangkilik ng Pamahalaan.
SEK. 13. Kinikilala ng Estado ang napakahalagang tungkulin ng kabataan sa pagbuo ng bansa at dapat magtaguyod at mangalaga ng kanilang kagalingang pisikal, moral, espiritwal, intelektwal, at sosyal. Dapat nitong ikintal sa kabataan ang pagkamakabayan, nasyonalismo at pasiglahin ang paglahok nila sa mga gawaing pambayan at sibiko.
SEK. 14. Kinikilala ng Estado ang tungkulin ng kababaihan sa pagbuo ng bansa at dapat seguruhin ang saligang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan.
SEK 15. Dapat itaguyod at pangalagaan ng Estado ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan at ikintal ang kamalayang pangkalusugan sa kanila.
SEK. 16. Dapat pangalagaan at isulong ng Estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.
SEK. 17. Dapat mag-ukol ng prayoriti ang Estado sa edukasyon, syensya at teknolohya, mga sining, kultura at isports upang mapabulas ang pagkamakabayan at nasyonalismo, mapabilis ang kaunlarang panlipunan, at maitaguyod ang ganap na paglaya at pag-unlad ng tao.
SEK. 18. Naninindigan ang Estado na ang paggawa ay isang pangunahing pwersang pangkabuhayan ng lipunan. Dapat nitong pangalagaan ang mga karapatan ng mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kagalingan.
SEK. 19. Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinukontrol ng mga Filipino.
SEK. 20. Kinikilala ng Estado ang napakahalagang gampanin ng pribadong sektor, pinasisigla ang pribadong negosyo, at nagbibigay ng mga insentibo sa kinakailangang mga pamumuhunan.
SEK. 21 Dapat itaguyod ng Estado ang komprehensibong pagpapaunlad na pangnayon at repormang agraryan.
SEK. 22. Kinikilala at itinataguyod ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.
SEK. 23. Dapat pasiglahin ng Estado ang mga organisasyong di-pampamahalaan, salig-pamayanan, o sektoral na nagtataguyod ng kagalingan ng bansa.
SEK. 24. Kinikilala ng Estado ang napakahalagang gampanin ng komunikasyon at impormasyon sa pagbuo ng bansa.
SEK. 25. Dapat seguruhin ng Estado ang awtonomi ng pamahalaang lokal.
SEK. 26. Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastyang pulitikal ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas.
SEK. 27. Dapat pamalagiin ng Estado ang pagkamatapat at pagkamarangal sa lingkurang pambayan at magsagawa ng positibo at epektibong mga hakbangin laban sa graft and corruption.
SEK. 28. Batay sa makatwirang mga kondisyong itinakda ng batas, inaangkin at ipinatutupad ng Estado ang patakarang lubos na hayagang pagsisiwalat ng lahat ng mga transaksyon nito na kinapapalooban ng kapakanang pambayan.
ARTIKULO III
KATIPUNAN NG MGA KARAPATAN
SEKSYON 1. Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ariarian ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
SEK. 2. Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warant sa paghalughog o warant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.
SEK. 3. (1) Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiiba ng kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinatakda ng batas.
(2) Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksyon.
SEK. 4. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan
SEK. 5. Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihyon, o nagbabawal sa malayang pagsasagamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihyon at pag-samba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.
SEK. 6. Hindi dapat bawahan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawahan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.
SEK. 7. Dapat kilalanin ang karapatan ng mga taong-bayan na mapag-pabatiran hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Ang kaalaman sa mga opisyal na rekord, at sa mga dokumento at papeles tungkol sa mga opisyal na gawain, transaksyon, o pasya, gayon din sa mga datos sa pananaliksik ng pamahalaan na pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad ay dapat ibigay sa mamamayan sa ilalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.
SEK. 8. Hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong-bayan kabilang ang mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, mga unyon, o mga kapisanan sa mga layuning hindi labag sa batas.
SEK. 9. Ang pribadong ariarian ay hindi dapat kunin ukol sa gamit pambayan nang walang wastong kabayaran.
SEK. 10. Hindi dapat magpatibay ng batas na sisira sa pananagutan ng mga kontrata.
SEK. 11. Hindi dapat ipagkait sa sino mang tao ang malayang pagdulog sa mga hukuman at sa mga kalupunang mala-panghukuman at sa sapat na tulong pambatas nang dahil sa karalitaan.
SEK. 12. (1) Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat magkaroon ng karapatang mapatalastasan ng kanyang karapatang magsawalang-kibo at magkaroon ng abogadong may sapat na kakayahan at malaya na lalong kanais-nais kung siya ang maypili. Kung hindi niya makakayanan ang paglilingkod ng abogado, kinakailangang pagkalooban siya ng isa. Hindi maiuurong ang mga karapatang ito maliban kung nakasulat at sa harap ng abogado.
(2) Hindi siya dapat gamitan ng labis na pagpapahirap, pwersa, dahas, pananakot, pagbabanta, o ano pa mang paraan na pipinsala sa kanyang malayang pagpapasya. Ipinagbabawal ang mga lihim na kulungan, solitaryo, ingkomunikado o iba pang katulad na mga anyo ng detensyon.
(3) Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa kanya ang ano mang pagtatapat o pag-amin na nakuha nang labag sa seksyong ito o Seksyon 17 nito.
(4) Dapat magtadhana ang batas ng mga kaparusahang penal at sibil sa mga paglabag sa seksyong ito at gayon din ng bayad-pinsala at rehabilitasyon sa mga biktima ng labis na mga pagpapahirap o katulad ng mga nakagawian, at sa kanilang mga pamilya.
SEK. 13. Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na pinarusahan ng reclusion perpetua kapag matibay ang ebidensya ng pagkakasala, bago mahatulan, ay dapat mapyansahan ng sapat na pyador, o maaaring palayain sa bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawahan ang karapatan sa pyansa kahit na suspindido ang pribilehyo ng writ of habeas corpus. Hindi dapat kailanganin ang malabis na pyansa.
SEK. 14 (1) Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas.
(2) Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang naiiba, at dapat magtamasa ng karapatang magmatwid sa pamamagitan ng sarili at ng abogado, mapatalastasan ng uri at dahilan ng sakdal laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan, at hayagang paglilitis, makaharap ang mga testigo at magkaroon ng sapilitang kaparaanan upang matiyak ang pagharap ng mga testigo at paglitaw ng ebidensya para sa kanyang kapakanan. Gayon man, matapos mabasa ang sakdal, maaaring ituloy ang paglilitis kahit wala ang nasasakdal sa pasubaling marapat na napatalastasan siya at di makatwiran ang kanyang kabiguang humarap.
SEK. 15. Hindi dapat suspindihin ang pribilehyo ng writ of habeas corpus, maliban kung may pananalakay o paghihimagsik, kapag kinakailangan ng kaligtasang pambayan.
SEK. 16. Dapat magkaroon ang lahat ng mga tao ng karapatan sa madaliang paglutas ng kanilang mga usapin sa lahat ng mga kalupunang panghukuman, mala-panghukuman, o pampangasiwaan.
SEK. 17. Hindi dapat pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang sarili.
SEK. 18. (1) Hindi dapat detenihin ang sino mang tao dahil lamang sa kanyang mga paniniwala at hangaring pampulitika.
(2) Hindi dapat pairalin ang ano mang anyo ng sapilitang paglilingkod, maliban kung kaparusahang pataw ng hatol ng pagkakasala.
SEK. 19. (1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang malupit, imbi o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen. Dapat ibaba sa reclusion perpetua ang naipataw nang parusang kamatayan.
(2) Dapat lapatan ng kaukulang batas ang pagpapahirap na pisikal, sikolohikal, o imbing pagpaparusa sa sino mang bilanggo o detenido o ang paggamit ng mga kaluwagang penal na di-makatao.
SEK. 20. Hindi dapat ibilanggo ang isang tao nang dahil sa pagkakautang o hindi pagbabayad ng sedula.
SEK. 21. Hindi dapat na ang isang tao ay makalawang masapanganib ng kaparusahan sa iisang paglabag. Kung pinarurusahan ng batas at ng ordinansa ang isang kagagawan, ang pagkaparusa o pagkaabswelto sa ilalim ng alin man dito ay magiging hadlang sa iba pang pag-uusig sa gayon ding kagagawan.
SEK. 22. Hindi dapat magpatibay ng batas ex post facto o bill of attainder.
ARTIKULO IV
PAGKAMAMAMAYAN
SEKSYON 1. Ang sumusunod ay mga mamamayan ng Pilipinas:
(1) Yaong mga mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagkakapatibay ng Konstitusyong ito;
(2) Yaong ang mga ama o mga ina ay mga mamamayan ng Pilipinas;
(3) Yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga ina ay Filipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa karampatang gulang; at
(4) Yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.
SEK. 2. Ang katutubong inianak na mga mamamayan ay yaong mga mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang kinakailangang gampanang ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang pagkamamamayang Pilipino. Yaong mga nagpasya na maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksyon 1, Talataan 3 nito ay dapat ituring na katutubong inianak na mga mamamayan.
SEK. 3. Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling matamo sa paraang itinatadhana ng batas.
SEK. 4. Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan ng mga mamamayan ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan, matangi kung sa kanilang kagagawan o pagkukulang, sila ay ituturing, sa ilalim ng batas, na nagtakwil nito.
SEK. 5. Ang dalawahang katapatan ng mga mamamayan ay salungat sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng kaukulang batas.
ARTIKULO V
KARAPATAN SA HALAL
SEK. 2. Dapat magtakda ang Kongreso ng isang sistema para maseguro ang pagiging sekreto at sagrado ng balota at gayon din ng isang sistema para sa pagbotong liban ng mga kwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.
Para sa mga taong may kapansanan at mga ilitireyt, ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng isang pamamaraan na hindi na kakailanganin ang tulong ng mga ibang tao. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, sila ay pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning maaaring ihayag ng Komisyon sa Halalan upang maprotektahan ang pagiging sekreto ng balota.
ARTIKULO VI
ANG KAGAWARANG TAGAPAGBATAS
SEK. 2. Ang Senado ay dapat buuin ng dalawampu’t apat na Senador na dapat ihalal sa kalahatan ng mga kwalipikadong botante ng Pilipinas, ayon sa maaaring itadhana ng batas.
SEK. 3. Hindi dapat maging Senador ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inaanak na mamamayan ng Pilipinas, at, sa araw ng halalan, tatlumpu’t limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, rehistradong botante, at naninirahan sa Pilipinas sa loob ng panahong hindi kukulangin sa dalawang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.
SEK. 4. Ang taning ng panunungkulan ng mga Senador ay dapat na anim na taon at dapat magsimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng pagkakahalal sa kanila.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Senador nang mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEK. 5. (1) Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat buuin ng hindi hihigit sa dalawang daan at limampung kagawad matangi kung magtakda ang batas ng naiiba, na dapat ihalal mula sa mga purok pangkapulungan na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at Metropolitan Manila Area ayon sa rami ng kinauukulang mga naninirahan, at batay sa magkakatulad at paunlad na pagdami at yaong ayon sa itinatadhana ng batas ay dapat ihalal sa pamamagitan ng sistemang partilist ng rehistradong mga partido o organisasyong pambansa, panrehyon, at pansektor.
(2) Ang mga kinatawang partilist ay dapat na binubuo ng dalawampung porsyento ng lahat ng mga kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Sa loob ng tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, ang kalahati sa mga pwestong nakalaan sa mga kinatawang partilist ay dapat punan, ayon sa itinatadhana ng batas, sa pamamagitan ng pagpili o paghahalal mula sa sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na taga-lungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na panrelihyon.
(3) Ang bawat purok pangkapulungan ay dapat buuin, hangga’t maaari, ng teritoryong magkakaratig, buo, at magkakatabi. Ang bawat lungsod na ang populasyon ay dalawang daa’t limampung libo man lamang, o ang bawat lalawigan, ay dapat magkaroon ng isa man lamang kinatawan.
(4) Sa loob ng tatlong taon na kasunod ng ulat ng bawat sensus, ang Kongreso ay dapat gumawa ng muling pag-aayaw-ayaw ng mga purok pangkapulungan batay sa mga pamantayang itinatadhana sa seksyong ito.
SEK. 6. Hindi dapat maging Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at sa mga araw ng halalan, ay dalawampu’t limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, at, maliban sa mga kinatawang partilist, rehistradong botante sa purok na paghahalalan sa kanya, at nakapanirahan doon sa loob ng panahong hindi kukulangin sa isang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.
SEK. 7. Ang mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat ihalal para sa taning na tatlong taon na magsisimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa pagkahalal sa kanila.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan nang higit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEK. 8. Matangi kung may naiibang itatadhana ang batas, ang regular na halalan ng mga Senador at ng mga Kagawad ng Kapulungan ng mga kinatawan ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.
SEK. 9. Kung magkabakante sa Senado o sa Kapulungan ng mga Kinatawan, maaaring tumawag ng tanging halalan upang punan ang pagkabakanteng iyon sa paraang itinatakda ng batas, ngunit ang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan na mahahalal sa gayong paraan ay manunuparan sa loob lamang ng nalalabing panahon ng di pa natatapos na taning.
SEK. 10. Dapat itakda ng batas ang mga sahod ng mga Senador at ng mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Hindi dapat magkabisa ang ano mang pagdaragdag sa nasabing sahod hanggang hindi natatapos ang buong taning sa panunungkulan ng lahat ng mga Kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan na nagpatibay sa pagdaragdag na iyon.
SEK. 11. Ang isang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa lahat ng mga paglabag na may parusang pagkabilanggong hindi hihigit sa anim na taon, ay dapat na may pribilehyo laban sa pagkaaresto habang may sesyon ang Kongreso. Ang isang Kagawad ay hindi dapat tanungin o papanagutin sa alin mang ibang lugar dahil sa ano mang talumpati o debate sa Kongreso o sa alin mang komite nito.
SEK. 12. Ang lahat ng mga Kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa Simula ng panunungkulan, ay dapat magsagawa ng ganap na pagsisiwalat ng kanilang mga interes na pampananalapi at pangnegosyo. Dapat ipabatid nila sa kinauukulang Kapulungan ang maaaring umusbong na salungat na interes sa paghaharap ng isang panukalang pagsasabatas na sila ang mga may-akda.
SEK. 13. Ang isang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay hindi maaaring humawak sa panahon ng kanyang panunungkulan ng ano mang ibang katungkulan o employment sa pamahalaan, o sa alin mang bahagi, sangay, o instrumentaliti nito, kabilang ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o mga subsidyari niyon, nang hindi magbibitiw sa kanyang katungkulan. Hindi rin siya dapat mahirang sa alin mang katungkulan na maaaring nalikha o naragdagan ang sahod sa loob ng taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEK. 14. Hindi maaaring personal na humarap ang sino mang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan bilang abogado sa ano mang hukuman ng katarungan o sa mga Hukumang Panghalalan, o sa mga kalupunang malapanghukuman at sa iba pang mga kalupunang-pampangasiwaan. Hindi rin siya dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata sa, o ano mang prangkisa o tanging pribilehyo na ipinagkaloob ng Pamahalaan, o ng alin mang bahagi, sangay o instrumentaliti nito, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, o ang subsidyari nito, sa loob ng taning na panahon ng kanyang panunungkulan. Hindi siya dapat makialam sa ano mang bagay na maaari niyang pagkakitaan sa alin mang tanggapan ng Pamahalaan o bagay na maaari siyang tawagin upang magpasya dahil sa kanyang katungkulan.
SEK. 15. Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pulong minsan isang taon sa ikaapat na Lunes ng Hulyo ukol sa regular na sesyon nito, matangi kung may ibang petsang itakda ang batas, at dapat magpatuloy na nagsesesyon sa loob ng tiyak na bilang ng mga araw na maaari nitong itakda hanggang sa tatlumpung araw bago magbukas ang susunod na regular na sesyon nito, hindi kasama ang Sabado, mga Linggo, at mga pista opisyal. Ang Pangulo ay maaaring tumawag ng tanging sesyon sa ano mang oras.
SEK. 16. (1) Ang Senado ay dapat maghalal ng Pangulo nito at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng ispiker nito, sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng kaukulang mga Kagawad nito. Ang bawat Kapulungan ay dapat pumili ng iba’t ibang mga pinuno na sa palagay nito ay maaaring kinakailangan.
(2) Ang mayorya ng bawat Kapulungan ay dapat bumuo ng korum upang makatupad ng gawain, ngunit ang lalong maliit na bilang ay maaaring magtindig ng pulong sa magha-maghapon at maaaring sapilitang padaluhin ang mga Kagawad na hindi dumadalo sa ano mang paraan, at sa ilalim ng mga parusa, na maaaring itadhana ng Kapulungang iyon.
(3) Ang bawat Kapulungan ay maaaring magtakda ng mga alituntunin ng mga gawain nito, magparusa sa mga Kagawad nito dahil sa maligalig na kaasalan, at sa pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad nito, magsuspindi o magtiwalag ng isang Kagawad. Ang parusang suspensyon kapag ipinataw ay hindi dapat humigit sa animnapung araw.
(4) Ang bawat Kapulungan ay dapat mag-ingat ng isang Journal ng mga gawain nito, at sa pana-panahon ay maglathala niyon, maliban sa mga bahagi na sa pasya nito ay maaaring may kinalaman sa pambansang kapanatagan; at ang mga “Oo” at mga “Hindi” sa ano mang suliranin ay dapat itala sa Journal, sa kahilingan ng isang-kalima ng mga Kagawad na dumalo.
Ang bawat Kapulungan ay dapat ding mag-ingat ng isang Rekord ng mga gawain nito.
(5) Ang alin man sa dalawang Kapulungan sa panahon ng mga pagpupulong ng Kongreso ay hindi dapat magtindig ng pulong nang mahigit sa tatlong araw, o lumipat sa alin mang pook na iba sa sadyang pulungan ng dalawang Kapulungan, nang di kasang-ayon ang isa’t isa.
SEK. 17. Ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon ng sari-sariling Hukumang Panghalalan na magiging tanging tagahatol ng lahat ng mga tunggalian hinggil sa halalan, mga ulat ng halalan, at mga kwalipikasyon ng kani-kanilang mga Kagawad. Ang bawat Hukumang Panghalalan ay dapat buuin ng siyam na Kagawad, na ang tatlo ay dapat na mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman na itatalaga ng Punong Mahistrado, at ang natitirang anim ay dapat na mga Kagawad ng Senada o ng Kapulungan ng mga Kinatawan, gaya ng nararapat, na pipiliin batay sa representasyong proporsyonal mula sa mga partidong pampulitika at sa mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng sistemang partilist na kinakatawan doon. Ang nakatataas na Mahistrado sa Hukumang Panghalalan ay dapat na Tagapangulo nito.
SEK. 18. Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Paghirang na bubuuin ng Pangulo ng Senado, bilang Tagapangulo ex-officio, labindalawang Senador at labindalawang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na halal ng bawat Kapulungan batay sa representasyong proporsyonal mula sa mga partidong pampulitika at sa mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng sistemang partilist na kinatawan doon. Ang Tagapangulo ng Komisyon ay hindi dapat bumoto, maliban sa kaso ng pagpapatas. Dapat magpasya ang Komisyon sa lahat ng mga paghirang na iniharap dito sa loob ng tatlumpung araw ng sesyon ng Kongreso mula sa paghaharap ng mga ito. Dapat maglagda ng pasya ang Komisyon sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng mga Kagawad.
SEK. 19. Ang mga Hukumang Panghalalan at ang Komisyon sa Paghirang ay dapat buuin sa loob ng tatlumpung araw makaraang matatag ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagkakahalal ng Pangulo ng Senado at ng Ispiker. Ang Komisyon sa Paghirang ay dapat magpulong sa panahon lamang na may sesyon ang Kongreso, sa tawag ng Tagapangulo nito o ng nakararami sa mga kagawad nito, upang tuparin ang mga kapangyarihan at tungkuling ipinagkakaloob dito.
SEK. 20. Ang mga rekord at mga libro ng kwenta ng Kongreso ay dapat pangalagaan at ilahad sa madla nang naaayon sa batas, at ang gayong mga libro ay dapat maawdit ng Komisyon sa Awdit na maglalathala taun-taon ng isina-isang listahan ng mga halagang ibinayad sa at ginugol para sa bawat Kagawad.
SEK. 21. Ang Senado o ang Kapulungan ng mga Kinatawan o alin man sa kanilang mga kaukulang komite ay maaaring magsagawa ng mga pagsisiyasat bilang tulong sa pagbabatas ayon sa mga alituntunin ng mga pamamaraan nito na marapat na nalathala. Dapat igalang ang mga karapatan ng mga taong humarap sa o apektado ng gayong mga pagsisiyasat.
SEK. 22. Ang mga puno ng mga kagawaran, sa kanilang sariling pagkukusa na kasang-ayon ang Pangulo, o sa kahilingan ng alin man sa dalawang Kapulungan, gaya ng dapat itadhana ng mga alituntunin ng bawat Kapulungan, ay maaaring humarap at dinggin ng gayong Kapulungan hinggil sa ano mang bagay na nauugnay sa kanilang mga kagawaran. Ang mga nakasulat na katanungan ay dapat iharap sa Pangulo ng Senado o sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan tatlong araw man lamang bago sumapit ang kanilang nakatakdang pagharap. Ang mga interpelasyon ay hindi dapat na tungkol lamang sa naiharap na mga katanungang nakasulat kundi maaari ring sumaklaw sa iba pang mga bagay-bagay na kaugnay nito. Kapag kakailanganin ng kapanatagan ng Estado o ng kapakanang pambayan at ito ay ilalahad nang nakasulat ng Pangulo, dapat isagawa ang pagharap sa isang sesyong tagapagpaganap.
SEK. 23. (1) Ang Kongreso, sa pamamagitan ng botong dalawang-katlo ng dalawang Kapulungan na magkasamang natitipon sa sesyon, sa magkahiwalay na pagboto, ay may tanging kapangyarihang magpahayag ng pag-iral ng kalagayang digma.
(2) Sa mga panahon ng digma o iba pang pambansang kagipitan, ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring mag-awtorisa sa Pangulo, sa isang natatakdaang panahon at sa ilalim ng mga paghihigpit na maaaring ilagda nito, na gumamit ng mga kapangyarihang kinakailangan at naaangkop upang isagawa ang idiniklarang pambansang patakaran. Matangi kung bawiin nang lalong maaga sa pamamagitan ng kapasyahan ng Kongreso, ang gayong kapangyarihan ay mawawala sa susunod na pagtitindig ng pulong.
SEK. 24. Ang lahat ng mga panukalang-batas sa laang-gugulin, rentas o taripa, mga panukalang-batas na nagpapahintulot ng pagdaragdag ng utang na pambayan, mga panukalang-batas na may bisang lokal, at mga panukalang-batas na pansarili ay dapat magmula sa Kapulungan ng mga Kinatawan lamang, ngunit maaaring magpanukala o sumang-ayon sa pamamagitan ng mga susog ang Senado.
SEK. 25. (1) Maaaring hindi dagdagan ng Kongreso ang mga laang-gugulin na inirekomenda ng Pangulo para sa pagpapakilos ng Pamahalaan ayon sa tinukoy sa badyet. Dapat itakda ng batas ang anyo, nilalaman, at paraan ng paghahanda ng badyet.
(2) Hindi dapat mapaloob ang ano mang tadhana o pagsasabatas sa panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin matangi kung ito ay tumutukoy sa isang partikular na laang-gugulin doon. Ang ano mang gayong tadhana o pagsasabatas ay dapat sumaklaw lamang sa tinutukoy na laang-gugulin.
(3) Ang pamamaraan sa pagpapatibay ng mga laang gugulin para sa Kongeso ay dapat sumunod nang mahigpit tulad ng sa pamamaraan ng pagpapatibay ng mga laang-gugulin para sa ibang mga kagawaran at sangay.
(4) Ang isang tanging panukalang-batas ng laang-gugulin ay dapat tumukoy sa layuning pinag-uukulan nito, at dapat tustusan ng mga pondong aktwal na magagamit na pinatunayan ng Pambansang Ingat-yaman, o lilikumin sa pamamagitan ng kinauukulang panukalang rentas na nakapaloob doon.
(5) Hindi dapat magpatibay ng isang batas na magpapahintulot ng ano mang paglilipat ng mga laang-gugulin; gayon man, ang Pangulo, ang Pangulo ng Senado, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ang mga puno ng mga Komisyong Konstitusyonal ay maaaring pahintulutan sa pamamagitan ng batas na dagdagan ang alin mang aytem sa panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin ukol sa kani-kanilang tanggapan mula sa natipid sa ibang mga aytem ng kani-kanilang mga laang-gugulin.
(6) Ang mga pondong diskresyonaryo na inilaan para sa partikular na mga opisyal ay dapat na ipambayad lamang ukol sa mga layuning pambayan na patutunayan ng nararapat na mga botser at sasailalim ng mga panuntunan na maaring itakda ng batas.
(7) Kung sa katapusan ng alin mang taong piskal, ang Kongreso ay hindi makapagpatibay ng panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin ukol sa pumapasok na taong piskal, ang panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin ukol sa nakaraang taong piskal ay dapat ituring na muling napagtibay at dapat manatiling umiiral at maybisa hanggang sa mapagtibay ng Kongreso ang panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin.
SEK. 26. (1) Ang bawat panukalang-batas na pinagtibay ng Kongreso ay dapat sumaklaw sa isang paksa lamang na dapat nakalahad sa pamagat nito.
(2) Hindi dapat maging batas ang ano mang panukalang-batas na pinagtibay ng alin mang Kapulungan matangi kung ito ay mapagtibay sa tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw, at ang nakalimbag na mga sipi nito sa pangwakas na anyo ay naipamahagi na sa mga Kagawad nito tatlong araw bago mapagtibay ito, maliban kung ang Pangulo ay magpapatunay sa pangangailangan ng madaliang pagsasabatas nito upang matugunan ang isang pambayang kalamidad o kagipitan. Sa huling pagbasa ng isang panukalang-batas, hindi dapat payagan ang ano mang susog dito, at ang pagbobotohan hinggil dito ay isasagawa kagyat pagkaraan nito, at itatala sa Journal ang mga “Oo” at mga “Hindi”.
SEK. 27. (1) Ang bawat panukalang-batas na mapagtibay ng Kongreso ay dapat iharap sa Pangulo bago maging batas. Dapat niyang lagdaan ito kung sinasang-ayunan niya; kung hindi, dapat niyang betohan at ibalik na kalakip ang kanyang mga tutol sa Kapulungang pinanggalingan nito, na dapat magpasok ng mga tutol sa kabuuan sa katitikan nito at muling isaalang-alang ang panukalang-batas. Kung, pagkaraan ng gayong muling pagsasaalang-alang, ang dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungang iyon ay magkaisang pagtibayin ang panukalang-batas, dapat ipadala ito, kalakip ang mga tutol, sa kabilang Kapulungan upang muling isaalang-alang niyon, at kung pagtibayin ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungang iyon, ito’y magiging batas. Sa lahat ng gayong mga pangyayari, ang mga boto ng bawat Kapulungan ay dapat pagpasyahan sa pamamagitan ng mga “Oo” o mga “Hindi”, at dapat itala sa Journal nito ang mga pangalan ng mga Kagawad na bumoto nang ayon o salungat. Dapat ipabatid ng Pangulo ang kanyang pagbeto sa alin mang panukalang-batas sa Kapulungang pinanggalingan nito sa loob ng tatlumpung araw matapos matanggap ito, at kung hindi, ito ay dapat maging batas na para na ring nilagdaan niya.
(2) Dapat magkaroon ang Pangulo ng kapangyarihang bumeto ng ano mang partikular na aytem o mga aytem sa isang panukalang-batas sa laang-gugulin, rentas, o taripa, ngunit hindi dapat magkabisa ang beto sa aytem o mga aytem na hindi niya tinututulan.
SEK. 28. (1) Dapat na maging pantay-pantay at makatarungan ang tuntunin sa pagbubwis. Dapat bumalangkas ang Kongreso ng isang paunlad na sistema ng pagbubwis.
(2) Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magpahintulot sa Pangulo na magtakda sa loob ng mga tiyak na hangganan, at sa ilalim ng mga katakdaan at paghihigpit na maaaring ipataw nito, ng singil sa taripa, mga kota sa import at eksport, mga bayad sa tonnage at mga pagdaong, at iba pang mga bayarin o singilin, sa loob ng balangkas ng programa ng Pamahalaan ukol sa pambansang pagpapaunlad.
(3) Dapat malibre sa pagbabayad ng bwis ang mga institusyong pangkawanggawa, mga simbahan, at mga rektorya o mga kumbento na kaugnay nito, mga mosque, di pangnegosyong mga sementeryo, at lahat ng mga lupain, mga gusali, at mga mehora na aktwal, tuwiran, at tanging gamit sa mga layuning panrelihyon, pangkawanggawa, o pang-edukasyon.
(4) Hindi dapat magpatibay ng batas na magkakaloob ng ano mang pagkalibre sa bwis nang walang pagsang-ayon ng mayorya ng lahat ng mga Kagawad ng Kongreso.
SEK. 29, (1) Hindi dapat magbayad ng salapi mula sa Kabang-yaman maliban kung ito ay ayon sa laang-guguling isinagawa sa pamamagitan ng batas.
(2) Hindi kailanman dapat ilaan, iukol, ibayad, o gamitin ang ano mang salapi, o ariariang pambayan, sa tuwiran o di-tuwiran, para sa gamit, pakinabang, o tangkilik sa ano mang sekta, simbahan, denominasyon, institusyong sektaryan, o sistema ng relihyon, o sa sino mang pari, pastor, ministro, o iba pang mga guro o dignitaryo ng relihyon bilang gayon, maliban kung ang gayong pari, pastor, ministro, o dignitaryo ay nakatalaga sa mga sandatahang lakas, o sa alin mang institusyong penal, o ampunan o leprosaryum ng pamahalaan.
(3) Ang lahat ng salapi na nalikom sa ano mang bwis na ipinataw para sa isang tanging layunin ay dapat ituring na isang tanging pondo at dapat ipambayad para sa layuning iyon lamang. Kung tapos na o itinigil ang layuning kinauukulan ng paglikha ng tanging pondo, ang balanse, kung mayroon, ay dapat ilipat sa pangkalahatang mga pondo ng Pamahalaan.
SEK. 30. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagdaragdag sa hurisdiksyon sa paghahabol ng Kataastaasang Hukuman na itinatadhana sa Konstitusyong ito nang walang tagubilin at pagsang-ayon nito.
SEK. 31. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagkakaloob ng titulo ng pagkahari o pagkamaharlika.
SEK. 32. Dapat magtadhana ang Kongreso, sa lalong madaling panahon, ng isang sistema ng pagpapatiuna at reperendum, at ng mga kataliwasan doon, upang ang mga mamamayan ay tuwirang makapagpanukala at makagawa ng mga batas o makapagpatibay o makatanggi sa ano mang batas o bahagi nito na pinagtibay ng Kongreso o ng lokal na kalupunang pangkapulungan pagkaraang maipatala ang petisyon doon na nilagdaan ng sampung porsyento man lamang ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante, na ang bawat purok pangkapulungan ay kinakailangang katawanin ng tatlong porsyento man lamang ng mga rehistradong botante niyon.
ARTIKULO VII
ANG KAGAWARANG TAGAPAGPAGANAP
SEK. 2. Hindi maaaring mahalal na Pangulo ang sino mang tao matangi kung siya ay isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, isang rehistradong botante, nakababasa at nakasusulat, apatnapung taon man lamang ang gulang sa araw ng halalan, at isang residente ng Pilipinas sa loob ng sampung taon man lamang kagyat bago ang gayong halalan.
SEK. 3. Dapat magkaroon ng isang Pangalawang Pangulo na may katangian at taning ng panunungkulan na katulad ng sa Pangulo at dapat mahalal na kasabay at sa paraang katulad ng sa Pangulo. Maaari siyang alisin sa panunungkulan sa paraang katulad ng sa Pangulo.
Ang Pangalawang Pangulo ay maaaring hiranging Kagawad ng Gabinete. Hindi kinakailangan ang ano mang kumpirmasyon sa gayong paghirang.
SEK. 4. Ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan para sa taning na anim na taon na magsisimula sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng gayon ding petsa pagkaraan ng anim na taon. Ang Pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling paghahalal. Ang sino mang tao na humalili bilang Pangulo at naglingkod nang gayon sa loob ng mahigit na apat na taon ay hindi dapat maging kwalipikado sa paghahalal sa katularing katungkulan sa alin mang panahon.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Pangalawang Pangulo sa loob ng mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
Maliban kung magtakda ng naiiba ang batas, ang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.
Ang mga ulat ng bawat halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, na pinatibayan gaya ng nararapat ng lupong tagabilang ng bawat lalawigan o lungsod, ay dapat ipadala sa Kongreso, tukoy sa Pangulo ng Senado. Pagkatanggap sa mga sertipiko sa bilang, dapat buksan ng Pangulo ng Senado, nang hindi lalampas ang tatlumpung araw pagkaraan ng araw ng halalan, ang lahat ng mga sertipiko sa harap ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa magkasamang hayagang sesyon, at dapat bilangin ng Kongreso ang mga boto sa sandaling matiyak ang pagiging totoo at ang nararapat na pagsasagawa niyon sa paraang itinatadhana ng batas.
Ang taong may pinakamaraming bilang ng mga boto ay dapat ihayag na nahalal, ngunit sakaling dalawa o higit pa ang magkaroon ng patas at pinakamaraming bilang ng mga boto, ang isa sa kanila ay dapat piliin agad sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto. Dapat maglagda ang Kongreso ng mga tuntunin nito para sa pagbilang ng mga sertipiko.
Dapat maging tanging hukom ang Kataastaasang Hukuman, na nagkakalipon en banc, ng lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga ulat, at mga kwalipikasyon ng Pangulo o Pangalawang Pangulo, at maaaring maglagda ng mga tuntunin nito para sa layuning iyon.
SEK. 5. Bago magsimula sa pagtupad ng kanilang katungkulan, ang Pangulo, ang Pangalawang Pangulo, o ang Nanunungkulang Pangulo ay dapat magsagawa ng sumusunod na panunumpa o pagpapatotoo:
“Mataimtim kong pinanunumpaan (o pinatototohanan) na tutuparin ko nang buong katapatan at sigasig ang aking mga tungkulin bilang Pangulo (o Pangalawang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo) ng Pilipinas, pangangalagaan at ipagtatanggol ang kanyang Konstitusyon, ipatutupad ang mga batas nito, magiging makatarungan sa bawat tao, at itatalaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa. Kasihan nawa ako ng Diyos.” (Kapag pagpapatotoo, ang huling pangungusap ay kakaltasin.).
SEK. 6. Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng isang tirahang opisyal. Ang mga sahod ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan. Hindi dapat magkabisa ang ano mang dagdag sa naturang sahod hanggang sa pagkatapos ng taning ng nanunungkulan na sa panahon ng kanyang panunungkulan pinagtibay ang gayong dagdag. Hindi sila dapat tumanggap sa panahon ng kanilang panunungkulan ng ano mang iba pang sweldo mula sa Pamahalaan o sa ano mang iba pang mapagkukunan.
SEK. 7. Ang halal na Pangulo at ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat manungkulan sa pagsisimula ng kanilang mga taning na panahon.
Kung ang halal na Pangulo ay hindi maging marapat sa tungkulin, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa maging marapat ang halal na Pangulo.
Kung mangyari na hindi nakapili ng isang Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa makapili at maging marapat ang isang Pangulo.
Kung sa pagsisimula ng panahon ng panunungkulan ng Pangulo ay namatay o pamalagiang nabalda ang halal na Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat maging Pangulo.
Sakaling hindi nakapili o hindi naging marapat ang isang Pangulo at Pangalawang Pangulo, o sakaling sila ay kapwa namatay o pamalagiang nabalda, ang Pangulo ng Senado o, kung hindi nito kaya, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa makapili at maging marapat ang isang Pangulo o isang Pangalawang Pangulo.
Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso para sa pagpili ng isang tao na manunungkulang Pangulo hanggang sa maging kwalipikado ang isang Pangulo o isang Pangalawang Pangulo, kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o kawalang-kaya ng mga opisyal na tinukoy sa sinundang talataan.
SEK 8. Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo, ang Pangalawang Pangulo ay dapat maging Pangulo na manunungkulan para sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan. Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang Pangulo ng senado o, kung hindi nito kaya, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang dapat gumanap kung gayon na Pangulo hanggang sa mahalal at maging marapat ang Pangulo o ang Pangalawang Pangulo.
Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso kung sino ang maglilingkod na Pangulo kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o pagbibitiw ng Nanunungkulang Pangulo. Siya ay dapat maglingkod hanggang sa ang Pangulo o ang Pangalawang Pangulo ay mahalal at maging marapat, at dapat sumailalim sa katularing mga katakdaan ng mga kapangyarihan at diskwalipikasyong katulad ng sa Nanunungkulang Pangulo.
SEK. 9. Kailanman at may bakante sa katungkulan ng Pangalawang Pangulo sa taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya, ang Pangulo ay dapat magnomina ng isang Pangalawang Pangulo mula sa mga kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan na dapat manungkulan sa sandaling makumpirmahan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto.
SEK. 10. Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pagpupulong sa ikasampu ng umaga ng ikatlong araw pagkaraang mabakante ang mga katungkulan ng Pangulo at ng Pangalawang Pangulo, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi na mangangailangang itawag, at sa loob ng pitong araw ay magpatibay ng batas na tumatawag ng tanging halalan upang maghalal ng isang Pangulo at isang Pangalawang Pangulo na idaraos nang hindi aaga sa apatnapu’t limang araw o di lalampas sa animnapung araw mula sa panahon ng pagtawag na iyon. Ang panukalang-batas sa pagtawag ng tanging halalan ay ituturing na pinagtibay sa ilalim ng talataan 2, Seksyon 2, Artikulo VI ng Konstitusyong ito at dapat maging batas matapos pagtibayin sa ikatlong pagbasa ng Kongreso. Ang laang-gugulin para sa tanging halalan ay kukunin sa alin mang kasalukuyang laang-gugulin at hindi dapat masaklaw ng mga pangunang kinakailangan na itinakda ng Talataan 4, Seksyon 25, Artikulo VI ng Konstitusyong ito. Ang pagpupulong ng Kongreso ay hindi maaaring suspindihin ni ipagpaliban kaya ang tanging halalan. Hindi dapat tumawag ng ano mang tanging halalan kapag ang pagkabakante ay nangyari sa loob ng labingwalong buwan bago sumapit ang petsa ng susunod na halalang pampanguluhan.
SEK. 11. Kailan man at nagpahatid ang Pangulo sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na hindi niya kayang gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, at hangga’t hindi siya nagpapahatid sa kanila ng nakasulat na salungat na deklarasyon, ang gayong mga kapangyarihan at mga tungkulin ay dapat gampanan ng Pangalawang Pangulo bilang Nanunungkulang Pangulo.
Kailanman at ang nakararami sa lahat ng mga Kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat bumalikat agad sa mga kapangyarihan at tungkulin ng katungkulan bilang Nanunungkulang Pangulo.
Pagkatapos niyon, kapag ang Pangulo ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na walang umiiral na ano mang kawalang-kaya, dapat niyang balikating muli ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan. Samantala, kapag ang nakararami sa lahat ng mga kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa loob ng limang araw ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, dapat pagpasyahan ng Kongreso ang isyu. Para sa layuning iyon, dapat magpulong ang Kongreso sa loob ng apatnapu’t walong oras, kung ito ay walang sesyon, alinsunod sa mga Alituntunin nito at hindi na nangangailangang itawag.
Kung ipasya ng Kongreso, sa loob ng sampung araw pagkatanggap sa huling nakasulat na deklarasyon, o, kung walang sesyon, sa loob ng labindalawang araw pagkaraang ito ay kinakailangang magkatipon, sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto ng kapwa Kapulungan ng Kongreso, sa magkahiwalay na pagboto, na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat manungkulang Pangulo; kung hindi, dapat magpatuloy ang Pangulo sa paghlpad ng mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan.
SEK. 12. Sakaling magkasakit nang malubha ang Pangulo, dapat ipabatid sa taong-bayan ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Ang mga Kagawad ng Gabinete na nangangasiwa sa kapanatagang pambansa at ugnayang panlabas, at ang Puno ng Estado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ay hindi dapat pagkaitang makalapit sa Pangulo sa panahon ng gayong pagkakasakit.
SEK. 13. Ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, ang mga Kagawad ng Gabinete, at ang kanilang mga depyuti o mga pangalawa, sa loob ng taning na panahon ng kanilang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ano mang iba pang katungkulan o employment maliban kung nagtatadhana ng naiiba sa Konstitusyong ito. Sa panahon ng nasabing panunungkulan, sila ay hindi dapat magpraktis nang tuwiran o di-tuwiran ng ano mang iba pang propesyon, lumahok nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang negosyo, o maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata, o sa alin mang prangkisya, o natatanging pribilehyo na kaloob ng Pamahalaan o ng alin mang bahagi, sangay o instrumental niyon, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o mga subsidyan nito. Dapat nilang pakaiwasang mahigpit ang salungat na interes sa pagtupad ng kanilang katungkulan.
Ang asawa at mga kamag-anak ng Pangulo sa dugo o sa relasyon hanggang sa ikaapat na antas sibil, sa taning na panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat mahirang na mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, o ng Tanggapan ng Ombudsman, o mga Kalihim, mga Pangalawang Kalihim, mga tagapangulo o mga puno ng mga kawanihan o mga tanggapan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at mga subsidyan nito.
SEK. 14. Ang mga ginawang paghirang ng Nanunungkulang Pangulo ay mananatiling maybisa, maliban kung pawalang-saysay ng halal na Pangulo sa loob ng siyamnapung araw mula sa kanyang paghawak o muling paghawak ng katungkulan.
SEK 15. Ang isang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng dalawang buwan kagyat bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, matangi sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang tagapagpaganap kung ang patuloy na mga pagkabakante roon ay makapipinsala sa lingkurang pambayan o magsasapanganib sa kaligtasang pambayan.
SEK. 16. Ang Pangulo ay dapat magnomina at, sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang, dapat humirang ng mga puno ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga ambasador, iba pang mga pambayang minister at konsul, o mga pinuno ng sandatahang lakas mula sa ranggong koronel o kapitan ng hukbong pandagat at iba pang mga pinuno na ang mga paghirang ay nakasalalay sa kanya sa Konstitusyong ito Dapat din niyang hirangin ang lahat ng iba pang mga pinuno ng Pamahalaan na ang paghirang sa kanila ay walang ibang itinatadhana ng batas, at ng mga maaari niyang hirangin sa pamamagitan ng batas. Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magsalalay sa Pangulo lamang, sa mga hukuman, o sa mga puno ng mga kagawaran, mga sangay, mga komisyon o mga kalupunan, ng kapangyarihang humirang ng iba pang mga nakabababang pinuno.
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kapangyarihang gumawa ng mga paghirang sa panahon ng pahinga ng Kongreso, kusa o sapilitan man, subalit ang gayong mga paghirang ay dapat na maybisa lamang hanggang sa disaprubahan ng Komisyon sa Paghirang o hanggang sa susunod na pagtitindig ng pulong ng Kongreso.
SEK. 17. Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kontrol sa lahat ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga kawanihan, at mga tanggapan. Dapat niyang seguruhin ang matapat na pagpapatupad ng mga batas.
SEK. 18. Dapat maging Commander-in-Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas ang Pangulo at, kailanma’t kakailanganin, maaari niyang atasan ang nasabing mga sandatahang lakas na pigilin o sugpuin ang labag sa batas na karahasan, pananalakay, o paghihimagsik. Kung sakaling may pananalakay o paghihimagsik, kapag kakailanganin ng kaligtasang pambayan, maaaring suspindihin niya, nang hindi hihigit sa animnapung araw, ang pribilehyo ng writ of habeas corpus o ipailalim sa batas militar ang Pilipinas o ang alin mang bahagi nito. Sa loob ng apatnapu’t walong oras ng pagkapahayag ng batas militar o pagkasuspindi ng pribilehyo ng writ of habeas corpus, ang Pangulo ay dapat magharap ng personal o nakasulat na ulat sa Kongreso. Maaaring pawalang-saysay ng Kongreso, sa magkasamang pagboto, sa pamamagitan ng boto ng mayorya man lamang ng lahat ng mga Kagawad nito sa regular o tanging sesyon, ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi, na hindi dapat isaisantabi ng Pangulo ang pagpapawalang-saysay na iyon. Sa pagkukusa ng Pangulo, maaaring palawigin ng Kongreso sa katulad na paraan ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi sa loob ng panahong itatakda ng Kongreso kung magpapatuloy ang pananalakay o paghihimagsik at kakailanganin ng kaligtasang pambayan.
Ang Kongreso, kung walang sesyon, ay dapat magsimula ng pagpupulong sa loob ng dalawampu’t apat na oras kasunod ng nasabing pagpapahayag o pagsuspindi, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi na nangangailangang itawag.
Maaaring ribyuhin ng Kataastaasang Hukuman, sa isang nararapat na prosiding na iniharap ng sino mang mamamayan, ang kasapatan ng pinagbatayang pangyayari sa pagpapahayag ng batas militar o sa pagsususpindi ng pribilehyo ng writ o pagpapalawig niyon at kinakailangang maglagda ng pasya nito tungkol doon sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkaharap nito.
Ang kalagayang batas militar ay hindi sumususpindi sa pag-iral ng Konstitusyon, ni hindi pumapalit sa panunungkulan ng mga hukumang sibil o mga kapulungang tagapagbatas, ni hindi nagpapahintulot sa pagbibigay sa mga sangay at hukumang militar ng hurisdiksyon sa mga sibilyan kung ang mga hukumang sibil ay nakapanunungkulan, ni hindi kusang nagsususpindi sa pribilehyo ng writ.
Ang pagsuspindi sa pribilehyo ng writ ay dapat sumaklaw lamang sa mga taong isinakdal sa hukuman ng paghihimagsik o ng mga pagkakasalang likas o tuwirang kaugnay sa pananalakay. Sa panahong suspindido ang pribilehyo ng writ, ang sino mang tao na dinakip o ipiniit sa gayon ay dapat ipagsakdal sa hukuman sa loob ng tatlong araw, kung hindi, dapat siyang palayain.
SEK. 19. Maliban sa mga kaso ng impeachment, o sa naiiba pang itinatadhana sa Konstitusyong ito, ang Pangulo ay maaaring magkaloob ng mga palugit, pagpapagaan ng parusa, at patawad, at maaaring magpawalang-saysay ng mga multa at pagsamsam, pagkalagda ng pangwakas na hatol.
Dapat din na magkaroon siya ng kapangyarihang magkaloob ng amnesti sa pagsang-ayon ng mayorya ng lahat ng mga kagawad ng Kongreso.
SEK. 20. Maaaring makipagkontrata o gumarantya ang Pangulo ng mga pag-utang sa labas ng bansa sa kapakanan ng Republika ng Pilipinas na may pagsang-ayon muna ng Monetary Board, at sasailalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas. Ang Monetary Board ay dapat magharap sa Kongreso, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagtatapos ng bawat kwarter ng taong pangkalendaryo, ng buong ulat ng mga pasya nito tungkol sa mga aplikasyon sa mga pag-utang na kokontratahin o gagarantyahan ng Pamahalaan o ng mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na makapagpapalaki sa pagkakautang sa ibang bansa, at naglalaman ng iba pang mga bagay-bagay na maaaring itadhana ng batas.
SEK. 21. Hindi dapat maging balido at maybisa ang ano mang kasunduang-bansa o kasunduang internasyonal nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
SEK. 22. Dapat magharap ang Pangulo sa Kongreso sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon, bilang batayan ng panukalang-batas sa pangkalahatang laang-gugulin, ng badyet ng mga gugulin at mga mapagkukunan ng pananalapi, kasama ang mga tinanggap mula sa kasalukuyan at panukalang mga batas sa rebenyu.
SEK. 23. Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.
ARTIKULO VIII
ANG KAGAWARANG PANGHUKUMAN
Saklaw ng kapangyarihang panghukuman ang tungkulin ng mga hukuman ng katarungan na ayusin ang nangyayaring mga sigalot na kinasasangkutan ng mga karapatang nararapat hingin at ipatupad nang naaayon sa batas at pasyahan kung mayroon o walang naganap na malubhang pagsasamantala sa diskresyon na humantong sa kawalan o kalabisan sa hurisdiksyon sa panig ng alin mang sangay o instrumentaliti ng pamahalaan.
SEK. 2. Ang Kongreso ay dapat na may kapangyarihang tumiyak, magtakda, at mag-ayaw-ayaw ng hurisdiksyon ng iba’t ibang hukuman datapwat hindi maaaring alisan ang Kataastaasang Hukuman ng hurisdiksyon sa mga usaping iniisaisa sa Seksyon 7 rito.
Hindi dapat magpatibay ng ano mang batas na nagbabagong-tatag sa mga hukuman kung ito’y magpapabuway sa kaseguruhan ng takdang panahon ng panunungkulan ng mga Kagawad nito.
SEK. 3. Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Hukuman. Ang laang-gugulin para sa Hukuman ay hindi maaaring bawasan ng lehislatura nang mababa kaysa sa halagang inilaan para sa nakaraang taon at, pagkaraang mapagtibay, dapat ipalabas nang kusa at regular.
SEK. 4. (1) Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat buuin ng isang Punong Mahistrado at labing-apat na Kasamang Mahistrado. Ito ay maaaring magpasya en banc o sa diskresyon nito, sa mga dibisyong binubuo ng tatlo, lima, o pitong Kagawad. Ang ano mang bakante ay dapat punan sa loob ng siyamnapung araw Simula sa pagsapit niyon
(2) Ang lahat ng mga usaping may kinalaman sa konstitusyonaliti ng ano mang kasunduang-bansa, kasunduang internasyonal o tagapagpaganap, o batas na dapat dinggin ng Kataastaasang Hukuman en banc, at lahat ng iba pang mga usapin na sa ilalim ng mga alituntunin ng hukuman ay kinakailangang marinig en banc, kabilang ang mga may kinalaman sa konstitusyonaliti, paglalapat o pagpapairal ng mga dekri ng pangulo, mga proklamasyon, mga kautusan, mga tagubilin, mga ordinansa, at iba pang mga regulasyon, ay dapat pasyahan nang may pagsang-ayon ang nakararaming mga Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon tungkol sa mga isyu sa usapin at bumoto roon.
(3) Ang mga kaso o bagay na dininig ng isang dibisyon ay dapat pasyahan o lutasin nang may pagsang-ayon ang nakararaming mga Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga isyu sa usapin at bumoto roon, at hindi kailanman, nang walang pagsang-ayon ng tatlo man lamang ng gayong mga Kagawad. Kapag hindi natamo ang kinakailangang bilang, ang usapin ay dapat pasyahan en banc, sa pasubali, na ang ano mang doktrina o simulain ng batas na inilagda ng Hukuman sa isang pasya na iginawad en banc o sa dibisyon ay hindi maaaring baguhin o baligtarin maliban sa pagpapasya en banc ng Hukuman.
SEK. 5. Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman ng sumusunod na mga kapangyarihan:
(1) Gumamit ng orihinal na hurisdiksyon sa mga usaping may kinalaman sa mga ambasador, iba pang mga minister pambayan at mga konsul, at sa mga petisyon para sa certiorari, prohibition, mandamus, quo warranto, at habeas corpus.
(2) Rebyuhin, rebisahin, baligtarin, baguhin, o patibayan sa paghahabol o certiorari, ayon sa maaaring itadhana ng batas o ng mga alituntunin ng hukuman, ang mga pangwakas na pagpapasya at mga kautusan ng mga nakabababang hukuman sa:
(a) Lahat ng mga usapin na ang konstitusyonaliti o baliditi ng ano mang kasunduang-bansa, kasunduang internasyonal o tagapagpaganap, batas, dekri ng pangulo, ordinansa, kautusang tagapagpaganap, proklamasyon, o regulasyon ay pinagtatalunan.
(b) Lahat ng mga usapin na kinasasangkutan ng legalidad ng ano mang bwis, singil, tasasyon, o tol, o ano mang parusang ipinataw kaugnay niyon.
(k) Lahat ng mga usapin na ang saklaw ng alin mang nakabababang hukuman ay pinagtatalunan.
(d) Lahat ng mga usaping kriminal na ang parusang ipinapataw ay reclusion perpetua o-higit pa.
(e) Lahat ng mga usapin na pagkakamali o suliranin sa batas lamang ang nasasangkot.
(3) Magtalagang pansamantala ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman sa ibang himpilan ayon sa maaaring kailanganin ng kapakanang pambayan. Ang gayong pansamantalang pagtatalaga ay hindi dapat lumampas sa anim na buwan nang walang pagsang-ayon ang kinauukulang hukom.
(4) Iatas ang pagbabago ng benyu o lugar ng paglilitis upang maiwasan ang pagkabigo ng pagpapairal ng katarungan.
(5) Maglagda ng mga alituntunin tungkol sa pangangalaga at pagpapatupad ng mga karapatang konstitusyonal, pleading, praktis, at pamamaraan sa lahat ng mga hukuman, pagtanggap sa praktis bilang abogado, integrated bar, at tulong na pambatas sa mga kapuspalad. Ang gayong mga alituntunin ay dapat magtakda ng payak at di magastos na pamamaraan para sa mabilis na pagpapasya sa mga usapin, maging magkakatulad sa lahat ng hukuman na magkakaantas, at hindi magbabawas, magdaragdag, o magbabago ng mga karapatang makabuluhan. Ang mga alituntunin ng pamamaraan ng mga tanging hukuman at mga kalupunan na mala-panghukuman ay dapat manatiling maybisa hangga’t hindi pinawawalang-saysay ng Kataastaasang Hukuman.
(6) Humirang ng lahat ng mga pinuno at mga kawani ng mga hukuman ayon sa Batas ng Serbisyo Sibil
SEK. 6. Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat magtaglay ng superbisyong pampangasiwaan sa lahat ng mga hukuman at sa mga tauhan niyon.
SEK. 7. (1) Hindi dapat mahirang na Kagawad ng Kataastaasang Hukuman o ng alinmang nakabababang hukumang kolehyado ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas. Ang isang Kagawad ng Kataastaasang Hukuman ay kinakailangang apatnapung taon man lamang ang gulang, at kinakailangang sa loob ng labinlimang taon o higit pa ay naging hukom ng isang nakabababang hukuman o nagpraktis bilang abogado sa Pilipinas.
(2) Dapat magtakda ang Kongreso ng mga katangian ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman, ngunit hindi maaaring mahirang na hukom ang sino mang tao matangi kung siya ay isang mamamayan ng Pilipinas at kabilang sa Philippine Bar.
(3) Ang isang Kagawad ng Hukuman ay kinakailangang nag-aangkin ng subok na kakayahan, kalinisang-budhi, katapatan at malayang pag-iisip.
SEK. 8. (1) Nililikha sa pamamagitan nito ang isang Judicial and Bar Council sa pangangasiwa ng Kataastaasang Hukuman na binubuo ng Punong Mahistrado bilang Tagapangulo ex-officio, ng Minister ng Katarungan at ng isang kinatawan ng Kongreso bilang mga kagawad ex-officio, ng isang kinatawan ng integrated bar, ng isang propesor ng batas, ng isang retiradong Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ng isang kinatawan ng pribadong sektor.
(2) Dapat hirangin ng Pangulo ang mga regular na kagawad ng Council para sa taning na panahon ng panunungkulan na apat na taon nang may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang. Sa mga Kagawad na unang hinirang, ang kinatawan ng integrated bar ay dapat manungkulan sa loob ng apat na taon, ang propesor ng batas sa loob ng tatlong taon, ang retiradong mahistrado sa loob ng dalawang taon, at ang kinatawan ng pribadong sektor sa loob ng isang taon.
(3) Ang Klerk ng Kataastaasang Hukuman ay dapat maging Kalihim ex-officio ng Council at dapat mag-ingat ng katitikan ng mga pulong nito.
(4) Ang mga regular na Kagawad ng Council ay dapat tumanggap ng mga pabuya na maaaring itakda ng Kataastaasang Hukuman. Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat maglaan sa taunang badyet nito ng laang-gugulin para sa Council.
(5) Ang Council ay dapat magtaglay ng pangunahing tungkulin na magtagubilin ng mga hihirangin sa mga hukuman. Ito ay maaaring gumanap ng iba pang mga gawain at tungkulin na maaaring iatas ng Kataastaasang Hukuman.
SEK. 9. Dapat hirangin ng Pangulo ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman mula sa isang talaan ng tatlong nomini man lamang na inihanda ng isang Judicial and Bar Council para sa bawat bakante. Hindi na kinakailangan ang kompirmasyon sa naturang mga paghirang.
Para sa mga nakabababang hukuman, dapat ipalabas ng Pangulo ang mga paghirang sa loob ng siyamnapungaraw mula sa paghaharap ng talaan.
SEK. 10. Ang sweldo ng Punong Mahistrado at ng mga Kasamang Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman ay dapat itakda ng batas. Hindi dapat bawasan ang kanilang mga sweldo sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEK. 11. Dapat manungkulan ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman habang maganda ang kanilang kaasalan hanggang sa sapitin nila ang gulang na pitumpung taon o mawalan ng kakayahang magsagawa ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan. Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman en banc ng kapangyarihang disiplinahin ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman, o iatas ang kanilang pagkatiwalag sa pamamagitan ng boto ng nakararami at ng isa pang Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga iisyu sa usapin at bumoto roon.
SEK. 12. Ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ng iba pang mga hukumang itinatag ng batas ay hindi dapat italaga sa alin mang tanggapan na gumaganap ng mga gawaing mala-panghukuman o pampangasiwaan.
SEK. 13. Ang mga pagpapasya ng Kataastaasang Hukuman sa ano mang usapin na iniharap dito upang pasyahan en banc o sa dibisyon ay dapat mabuo sa pagsasanggunian bago italaga ang isang usapin sa isang Mahistrado upang sulatin ang opinyon ng Hukuman. Dapat magpalabas ng isang sertipikasyon tungkol dito na nilagdaan ng Punong Mahistrado at ang isang sipi niyon ay dapat ilakip sa rekord ng usapin at ipahatid sa mga panig. Ang sino mang Mahistrado na hindi nakibahagi o salungat, o di-lumahok sa isang pasya o resolusyon ay kinakailangang maglahad ng mga katwiran na batayan nito. Ganito ring mga pangangailangan ang dapat sundin ng lahat ng nakabababang hukumang kolehyado.
SEK. 14. Hindi dapat maglagda ng ano mang pasya ang alin mang hukuman nang hindi inilalahad doon nang malinaw at di-maipagkakamali ang mga pangyayari at ang batas na pinagbabatayan nito. Hindi dapat pagkaitan ng marapat na hakbangin o tanggihan ang ano mang petisyon sa pagrebyu o mosyon para sa rekonsiderasyon sa isang pasya ng hukuman nang hindi inilalahad ang legal na batayan nito.
SEK. 15. (1) Ang lahat ng mga usapin o bagay na idinulog mula sa pagkakabisa ng Saligang-Batas na ito ay kinakailangang pasyahan o lutasin sa loob ng dalawampu’t apat na buwan mula sa petsa ng pagkakadulog nito para sa Kataastaasang Hukuman, at, matangi kung iklian ng Kataastaasang Hukuman, labindalawang buwan para sa lahat ng mga nakabababang hukumang kolehyado, at tatlong buwan ang para sa lahat ng iba pang mga nakabababang hukuman.
(2) Ang isang usapin o bagay ay ituturing na idinulog para sa pagpapasya o paglutas sa sandaling iniharap ang panghuling pleading, brief, o memorandum na itinakda ng mga Alituntunin ng Hukuman o ng hukuman na rin.
(3) Pagkatapos ng kaukulang panahon, ang isang sertipikasyon hinggil dito na nilagdaan ng Punong Mahistrado o ng namumunong hukom ay dapat igawad agad at ilalakip ang isang sipi niyon sa rekord ng usapin o bagay, at ipahahatid sa mga panig. Dapat isaad ng sertipikasyon kung bakit hindi naihayag o naigawad ang pasya o resolusyon sa loob ng naturang panahon.
(4) Sa kabila ng paglipas ng ipinatutupad na taning na panahong dapat pasyahan o lutasin ng hukuman, nang hindi makahahadlang sa pananagutang natamo bunga niyon, ang usapin o bagay na iniharap sa pagpapasya nito, nang wala nang pagkabalam pa.
SEK. 16. Ang Kataastaasang Hukuman, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon ng Kongreso, ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso ng taunang ulat ng mga pamalakad at mga gawain ng mga Hukuman.
ARTIKULO IX
ANG MGA KOMISYONG KONSTITUSYONAL
SEKSYON 1. Ang mga Komisyong Konstitusyonal, na dapat na malaya, ay ang Komisyon sa Serbisyo Sibil, ang Komisyon sa Halalan, at ang Komisyon sa Awdit.
SEK. 2. Ang sino mang Kagawad ng isang Komisyong Konstitusyonal, sa panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ibang katungkulan o trabaho. Hindi rin siya dapat magpraktis ng ano mang propesyon o aktibong mamahala o mangasiwa ng ano mang negosyo na sa ano pa mang paraan ay maaaring makaugnay sa mga gawain ng kanyang katungkulan, ni hindi dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di tuwiran sa ano mang kontrata sa, o sa ano mang prangkisya o pribilehyong kaloob ng, Pamahalaan, o ano mang bahagi, sangay, o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o ang mga, sangay nito.
SEK. 3. Ang sahod ng Tagapangulo at ng mga Komisyonado ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEK. 4. Dapat humirang ang mga Komisyong Konstitusyonal ng kanilang mga pinuno at kawani ayon sa batas.
SEK. 5. Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Komisyon. Dapat na kusa at regular na ipalabas ang kanilang pinagtibay na taunang laang-gugulin.
SEK. 6. Ang bawat Komisyon en banc ay maaaring maglagda ng sarili nitong mga tuntunin tungkol sa mga pleading at praktis dito o sa alin mang tanggapan nito. Gayon man, ang mga tuntuning iyon ay hindi dapat magbawas, magdagdag, o magbago ng mga karapatang makabuluhan.
SEK. 7. Ang bawat Komisyon ay dapat tumupad ng iba pang mga gawain na maaaring itadhana ng batas.
SEK. 8. Dapat pagpasyahan ng bawat Komisyon sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng mga Kagawad nito ang ano mang kaso o bagay na iniharap sa pagpapasya o paglutas nito sa loob ng animnapung araw mula sa petsa ng pagkakaharap niyon. Ang isang kaso o bagay ay ituturing na iniharap sa pagpapasya o paglutas sa sandaling iharap ang panghuling pleading, brief, o memorandum na itinakda ng mga tuntunin ng Komisyon o ng Komisyon na rin. Matangi kung naiiba ang itinatadhana ng Konstitusyong ito o ng batas, ang ano mang pasya, utos, o hatol ng bawat Komisyon ay maaaring idulog sa bisa ng certiorari sa Kataastaasang Hukuman ng naghahabol na panig sa loob ng tatlumpung araw pagkatanggap ng isang sipi niyon.
B. ANG KOMISYON SA SERBISYO SIBIL
SEKSYON 1. (1) Ang serbisyo sibil ay dapat pangasiwaan ng Komisyon sa Serbisyo Sibil na binubuo ng isang Tagapangulo at dalawang Komisyonado na dapat ay mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkahirang sa kanila, tatlumpu’t limang taon man lamang ang gulang, may subok na kakayahan sa pangangasiwang pambayan, at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang iniraos kagyat bago ang kanilang pagkakahirang.
(2) Ang Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang para sa isang taning na panahon ng panunungkulan na pitong taon na di na muling mahihirang. Sa mga unang nahirang, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyonado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na di na muling mahihirang. Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panungkulan ng hahalinhan. Kailanman ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.
SEK. 2. (1) Sumasaklaw ang serbisyo sibil sa lahat ng mga sangay, mga subdibisyon, mga instrumentaliti at mga ahensya ng Pamahalaan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta.
(2) Ang mga paghirang sa serbisyo sibil ay dapat gawin lamang ayon sa kanilang merito at kabagayan na pagpapasyahan, hangga’t maaari, at maliban sa mga katungkulang nagpapasya ng patakaran, lubhang kompidensyal o totoong teknikal, sa pamamagitan ng paligsahang pagsusulit.
(3) Hindi dapat matiwalag o masuspindi ang sino mang pinuno o kawani ng serbisyo sibil maliban sa kadahilanang itinatadhana ng batas.
(4) Ang sino mang pinuno o kawani sa serbisyo sibil ay hindi dapat lumahok, nang tuwiran o di-tuwiran, sa alin mang pangangampanya sa halalan o sa iba pang pampartidong gawain sa pulitika.
(5) Hindi dapat ipagkait sa mga kawani ng pamahalaan ang karapatang magtatag ng sariling organisasyon.
(6) Ang mga pansamantalang kawani ng pamahalaan ay dapat bigyan ng proteksyong gaya ng maaaring itadhana ng batas.
SEK. 3. Bilang punong sangay pantauhan ng Pamahalaan, ang Komisyon sa Serbisyo Sibil ay dapat magpairal ng isang career service at magpatibay ng mga panukalang magpapasulong ng kasiglahan, kahusayan, karangalan, kahandaan, pag-unlad, at paggalang sa serbisyo sibil. Dapat nitong palakasin ang sistema ng merito at gantimpala, pagsama-samahin ang lahat ng mga palatuntunan sa pag-papaunlad ng yamang-tao para sa lahat ng antas at ranggo, at isakatatagan ang isang kaligiran sa pamamahala na naaangkop sa kapanagutang pambayan. Ito ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso ng taunang ulat tungkol sa mga palatuntunang pantauhan nito.
SEK. 4. Ang lahat ng mga pinuno at mga kawaning pambayan ay dapat manumpa o magpatotoo na ipagsasanggalang at ipagtatanggol ang Konstitusyong ito.
SEK. 5. Dapat magtadhana ang Kongreso ng mga pamantayan sa sweldo ukol sa mga pinuno at kawani ng pamahalaan, kasama na rin ang mga nasa korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta, na isinasaalang-alang ang uri ng mga pananagutan na nauukol, at ang mga kwalipikasyong hinihingi para sa kanilang mga katungkulan.
SEK. 6. Ang sino mang kandidato na natalo sa alin mang halalan ay hindi dapat hirangin, sa loob ng isang taon makaraan ang halalang iyon, sa alin mang katungkulan sa Pamahalaan, o sa alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o sa mga sangay nito.
SEK. 7. Hindi magiging karapat-dapat ang sino mang pinunong halal sa paghirang o pagtatalaga sa alin mang katungkulan o posisyong pambayan sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Matangi kung kinakailangan ng batas o ng mga pangunahing gawain ng katungkulan, hindi dapat humawak ang sino mang halal na pinuno ng ano mang iba pang katungkulan o trabaho sa Pamahalaan o alin mang bahagi, sangay o instrumentaliti niyon kabilang ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o sa mga sangay nito.
SEK. 8. Ang sino mang halal o hinirang na pinuno o kawaning pambayan ay hindi dapat tumanggap ng dagdag, doble, o di-tuwirang sweldo maliban kung tiyakang ipinahihintulot ng batas, ni tumanggap ng ano mang regalo, pabuya, katungkulan, o ano mang uri ng titulo mula sa alin mang banyagang pamahalaan nang walang pagsang-ayon ang Kongreso.
Ang mga pensyon o gratwiti ay hindi dapat ituring na dagdag, doble, o di-tuwirang kompensasyon.
K. ANG KOMISYON SA HALALAN
SEKSYON 1. (1) Dapat magkaroon nq isang Komisyon sa Halalan na binubuo ng isang Tagapangulo at anim (6) na mga Komisyonado na dapat ay mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng Pagkakahirang sa kanila, tatlumpu’t limang taon man lamang ang gulang, naghahawak ng tituto sa kolehyo at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang kagyat na sinundan. Gayon man, ang mayorya nito, kasama na ang Tagapangulo ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado sa loob ng sampung (10) taon man lamang.
(2) Ana Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa isang pitong (7) taong taning panunungkulan na di na muling mahihirang. Sa unang nahirang, tatlong (3) Kagawad ang manunungkulan sa loob ng pitong (7) taon, dalawang (2) Kagawad sa limang (5) taon at ang mga natitirang Kagawad sa tatlong (3) taon, na di na muling mahihirang. Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang na sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan. Kailanman ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.
SEK. 2. Dapat tumupad ng sumusunod na mga kapangyarihan at mga gawain ang Komisyon sa Halalan:
(1) Magpatupad at mamahala sa pagpapatupad ng lahat ng mga batas at regulasyon na kaugnay ng pagdaraos ng halalan, plebisito, initiative, reperendum, at recall.
(2) Gampanan ang eksklusibong orihinal na hurisdiksyon sa lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga kinalabasan at mga katangian ng lahat ng halal na mga pinunong panrehyon, panlalawigan, at panlungsod, at hurisdiksyong paghahabol sa lahat ng mga hidwaan na kinasasangkutan ng mga halal na pinuno ng bayan na pinasyahan ng mga hukumam ng paglilitis na pangkalahatan ang hurisdiksyon, o kinasasangkutan ng mga halal na pinuno ng baranggay na pinasyahan ng mga hukuman ng paglilitis na natatakdaan ang hurisdiksyon.
Ang mga desisyon, mga pangwakas na utos, o mga kapasyahan ng komisyon tungkol sa mga hidwaan sa halalan na kinasasangkutan ng mga katungkulang halal sa bayan at baranggay ay dapat na pangwakas, maipatutupad, at hindi maipaghahabol.
(3) Magpasya, matangi roon sa mga may kinalaman sa karapatan sa pagboto, sa lahat ng mga suliranin tungkol sa mga halalan, kasama ang pagpapasya sa bilang at kinalalagyan ng mga botohan, paghirang ng mga pinuno at mga inspektor ng halalan, at pagrerehistro ng mga botante.
(4) Magsugo, sa pagsang-ayon ng Pangulo, sa mga sangay at kasangkapang tagapagpatupad ng batas ng Pamahalaan, kasama ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ukol sa tanging layuning matiyak ang malaya, maayos, malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
(5) Irehistro, pagkaraan ng sapat na paglalathala, ang mga partido, mga organisasyon o mga koalisyong pampulitika na bukod sa iba pang mga kahingian, ay kinakailangang magharap ng kanilang plataporma o programa ng pamahalaan, at kilalanin ang mga lingkod-bayan ng Komisyon sa Halalan. Hindi dapat irehistro ang mga denominasyon at mga sektang panrelihyon. Dapat ding tanggihan ang pagrerehistro sa mga naghahangad makamit ang kanilang mga layunin sa pamamagitan ng karahasan o mga labag na kaparaanan, o tumatangging itaguyod at talimahin ang Saligang-Batas na ito, o sinusuportahan ng alin mang banyagang pamahalaan.
Ang mga kontribusyong pinansyal sa mga partido, organisasyon, koalisyon, o kandidatong pampulitika mula sa mga banyagang pamahalaan at mga sangay niyon na may kaugnayan sa mga halalan ay ituturing na panghihimasok sa mga gawaing pambansa at, kapag tinanggap, magiging karagdagang batayan sa pagkansela sa pagkarehistro nila sa Komisyon, bukod sa iba pang mga parusa na maaaring itakdang batas.
(6) Batay sa biniripikahang sumbong o sa pagkukusa nito, magharap ng mga petisyon sa hukuman ukol sa paglalakip o pagwawaksi ng mga botante sa rehistro ng mga kwalipikadong botante; siyasatin at, kung nararapat, usigin ang mga paglabag sa mga batas sa halalan, kasama ang mga kagagawan o pagkukulang na itinuturing na pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan.
(7) Itagubilin sa Kongreso ang mabisang mga hakbangin upang mapaliit ang gastos sa halalan, gayundin ang pagtatakda ng mga lugar na paglalagyan ng mga kagamitan sa propaganda, at mapigil at maparusahan ang lahat ng uri ng mga pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan, at mga panggulong pagkandidato.
(8) Itagubilin sa Pangulo ang pag-aalis sa sino mang pinuno o kawani na isinugo nito, o ang pagpapataw ng ano mang iba pang aksyong disiplinaryo, dahil sa paglabag o pagwawalang-bahala, o pagsuway sa mga direktiba, atas, o pasya nito.
(9) Iharap sa Pangulo at sa Kongreso ang komprehensibong ulat tungkol sa pamamalakad ng bawat halalan, plebisito, initiative, reperendum, o recall.
SEK. 3. Ang Komisyon sa Halalan ay maaaring magpasiya en banc o sa dalawang dibisyon, at dapat maglagda ng mga layunin ng mga alituntunin ng pamamaraan nito upang mapadali ang pagpapasya sa mga kaso sa halalan, kabilang ang mga hidwaan bago iproklama ang nanalo. Ang lahat ng gayong mga kaso sa halalan ay dapat dinggin at pasyahan sa dibisyon, sa pasubaling ang mga mosyon sa rekonsiderasyon ng mga pasya ay dapat pasyahan ng Komisyon en banc.
SEK. 4. Ang pagtatamasa o pagsasagamit ng lahat ng mga prangkisa o permit para sa operasyon ng transportasyon at iba pang mga kagamitang pambayan, midya ng pahatiran o kabatiran, lahat ng mga kaloob, mga pribilehyong natatangi o mga konsesyong ipinagkaloob ng Pamahalaan o ano mang bahagi, sangay, o instrumentaliti niyon, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, ay maaaring pangasiwaan at isaayos ng Komisyon sa panahon ng halalan. Layunin ng gayong pangangasiwa at pagsasaayos na matiyak ang timbang na pagkakataon, panahon, puwang, at karapatang sumagot, kasama na ang makatwiran at timbang na singil ukol doon sa mga kampanya at porum sa pagbibigay ng impormasyon sa madla ng mga kandidato sa layuning matiyak ang malaya, maayos, malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
SEK. 5. Ang alin mang patawad, amnestya, parole, o suspensyon ng kaparusahan sa paglabag sa mga batas, tuntunin at mga alituntunin ng halalan ay hindi dapat ipagkaloob ng Pangulo nang walang pasang-ayong tagubilin ng Komisyon.
SEK. 6. Dapat pahintulutang mamukadkad ang isang malaya at lantad na sistemang partido alinsunod sa malayang pagpili ng taong-bayan, na sasailalim lamang sa mga tadhana ng Artikulong ito.
SEK. 7. Hindi dapat maging balido ang ano mang boto para sa alin mang partido, organisasyon o koalisyong pampulitika, matangi sa maaaring itadhana sa Konstitusyong ito sa ilalim ng sistemang partilist.
SEK. 8. Ang mga partido, o organisasyon, o koalisyong pampulitika na nakarehistro sa ilalim ng sistemang Partilist ay hindi dapat magkaroon ng kinatawan sa mga lupon ng pagrerehistro ng mga botante, sa mga lupon ng mga inspektor sa halalan, sa mga lupon ng mga tagabilang, o iba pang katulad na mga kalupunan. Gayon man, sila ay dapat bigyan ng karapatang humirang ng mga bantay-halalan alinsunod sa batas.
SEK. 9. Maliban kung naiiba ang itinatakda ng Komisyon sa mga natatanging kalagayan, ang panahon ng halalan ay dapat magsimula siyamnapung araw bago sumapit ang araw ng halalan at dapat magtapos tatlumpung araw pagkaraan niyon.
SEK. 10. Ang mga kandidatong bona fide para sa ano mang katungkulang pambayan ay dapat maging ligtas sa ano mang anyo ng panliligalig at diskriminasyon.
SEK. 11. Dapat maglaan sa regular o natatanging laang-gugulin ng mga pondo na sinertipikahan ng Komisyon na kinakailangang panggastos sa pagdaraos ng regular at natatanging mga halalan, mga plebisito, initiative, mga reperendum, at recall at, sa sandaling mapagtibay, dapat na kusang ipalabas sa pamamagitan ng sertipikasyon ng Tagapangulo ng Komisyon.
D. ANG KOMISYON SA AWDIT
SEKSYON 1. (1) Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Awdit na bubuuin ng isang Tagapangulo at dalawang Komisyonado na dapat na mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkahirang sa kanila, tatlumpu’t limang taon man lamang ang gulang, mga certified public accountant na hindi kukulangin sa sampung taon ang karanasan sa pag-aawdit o kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado sa loob ng sampung taon man lamang at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang iniraos kagyat bago isinagawa ang kanilang pagkakahirang. Kailan man ay hindi dapat magkatulad ng propesyon ang lahat ng mga Kagawad ng Komisyon.
(2) Ang Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa isang pitong taong taning na panahon ng panunungkulan na di na muling mahihirang. Sa mga unang nahirang, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyonado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na di na muling mahihirang. Ang pagkahirang sa ano mang bakante ay dapat na ukol lamang sa di natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan. Kailan man ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa kalagayang pansamantala o nanunungkulan.
SEK. 2. (1) Dapat magkaroon ang Komisyon sa Awdit ng kapangyarihan, awtoridad at tungkuling magsuri, mag-awdit at mag-ayos ng lahat ng mga kwentang nauukol sa tinanggap at kinita, mga paggastos o paggamit ng mga pondo at ariarian, na nauukol, ari o iniingatan lamang bilang katiwala ng Pamahalaan, o ano man sa mga bahagi, sangay, o kasangkapan niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta at sa batayang post-awdit, ang: (a) mga kalupunan, mga komisyon, at mga tanggapang konstitusyonal na pinagkalooban ng pagsasarili sa pananalapi sa ilalim ng Konstitusyong ito; (b) mga nagsasariling mga dalubhasaan at pamantasang pampamahalaan; (k) mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at ang mga sangay niyon; at, (d) mga entity na di pampamahalaan na tumatanggap ng subsidy o equity, nang tuwiran o di tuwiran, mula sa o sa pamamagitan ng pamahalaan, na hinihingi ng batas o nagkakaloob na institusyon na sumailalim sa gayong pag-aawdit bilang isang kondisyon sa pagtanggap ng subsidy equity. Gayon pa man, kapag di sapat ang sistemang internal kontrol ng inawdit na mga tanggapan, ang Komisyon ay maaaring gumamit ng mga hakbangin kabilang ang pansamantala o natatanging pre-awdit na kinakailangan at nararapat upang maiwasto ang mga pagkukulang. Ito ay dapat mag-ingat ng pangkalahatang kwenta ng Pamahalaan at, sa panahong maaaring itadhana ng batas, pangalagaan ang mga botser at iba pang nagpapatunay na papeles na kaugnay niyon.
(2) Dapat magkaroon ang Komisyon ng tanging awtoridad, batay sa mga katakdaan sa Artikulong ito, na magtakda ng saklaw ng awdit at pagsusuri nito, magtatag ng mga kaparaanan at pamaraan na kinakailangan ukol doon, at maglagda ng mga tuntunin at alituntunin sa pagtutuos at pag-aawdit kabilang ang mga ukol sa paghadlang at di pagpapahintulot sa mga paggugol o paggamit ng mga salapi at ariarian ng pamahalaan na tiwali, hindi kinakailangan, labis-labis, maluho o di makatwiran.
SEK. 3. Hindi dapat magpatibay ng ano mang batas na sa ano pa mang kaparaanan ay inilalabas sa hurisdikyon ng Komisyon sa Awdit ang alin mang entity ng pamahalaan o sangay nito ukol sa ano mang pamumuhunan sa salapi ng bayan.
SEK. 4. Ang Komisyon ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso, sa loob ng panahong itinatakda ng batas, ng taunang ulat na sumasaklaw sa kalagayan at pagpapakilos sa pananalapi ng Pamahalaan, ng mga bahagi, mga sangay, at mga instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, at mga entity na di-pampamahalaan, batay sa awdit nito at magtagubilin ng mga hakbangin na kinakailangan upang mapag-ibayo ang kakayahan at pagkamabisa ng mga ito. Ito ay dapat magharap ng iba pang mga ulat na maaaring kailanganin ng batas.
ARTIKULO X
PAMAHALAANG LOKAL
MGA TADHANANG PANGKALAHATAN
SEKSYON 1. Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ng Republika ng Pilipinas ay ang mga lalawigan, mga lungsod, mga bayan, at mga baranggay. Dapat magkaroon ng mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera ayon sa itinatadhana rito.
SEK. 2. Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ay dapat magtamasa ng awtonoming lokal.
SEK. 3. Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang kodigo ng pamahalaang lokal na dapat magtadhana ng balangkas ng pamahalaang lokal na higit na matugunin at mapanagutan na itinatag sa pamamagitan ng isang sistema ng desentralisasyon na may mabisang pamamaraan ng recall, initiative at reperendum, mag-aayaw-ayaw sa iba’t ibang yunit ng pamahalaang lokal ng kanilang mga kapangyarihan, mga pananagutan, at mga mapagkukunangbatis, at magtatadhana ng mga katangian, paghahalal, paghirang at pag-aalis, taning ng panunungkulan, mga sweldo, mga kapangyarihan at gawain, at mga tungkulin ng mga pinunong lokal, at lahat ng iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kabuuan at pagpapakilos ng mga yunit na lokal.
SEK. 4. Ang Pangulo ng Pilipinas ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal. Dapat seguruhin ng mga lalawigan ang mga lungsod at mga bayang nakapaloob sa mga ito, ng mga lungsod at mga bayan ang mga baranggay na nakapaloob sa mga ito, na gaganap ng kanilang mga kapangyarihan at mga gawain ayon sa pagkakatakda.
SEK 5. Dapat magkaroon ang bawat yunit ng pamahalaang lokal ng kapangyarihang lumikha ng mga sariling mapagkukunan nito ng kita at magpataw ng mga bwis, butaw at singilin, sa ilalim ng mga panuntunan at katakdaang maaaring itadhana ng Kongreso, na naaalinsunod sa saligang patakaran ng awtonoming lokal. Ang gayong mga bwis, butaw at singilin ay dapat mapunta sa mga pamahalaang lokal lamang.
SEK. 6. Dapat magkaroon ang mga yunit ng pamahalaang lokal ng makatwirang kaparte, ayon sa itatakda ng batas, sa mga pambansang bwis na dapat kusang ipalabas para sa kanila.
SEK. 7. Dapat na may karapatan ang mga pamahalaang lokal sa karampatang kaparte sa mga bunga ng paggamit at paglinang ng kayamanang pambansa na nasa kani-kanilang mga lugar, sa paraang itatakda ng batas, kabilang ang pagbibigay ng kaparte sa mga naninirahan sa pamamagitan ng mga tuwirang benepisyo.
SEK. 8. Ang taning na panahon ng panunungkulan ng mga halal na pinunong lokal, maliban sa mga pinuno ng baranggay na itatakda ng batas, ay dapat na tatlong taon at hindi makapanunungkulan ang sino mang gayong pinuno nang mahigit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEK. 9. Ang mga kalupunang lehislatibo ng mga pamahalaang lokal ay dapat magkaroon ng mga kinatawang sektoral ayon sa maaaring itakda ng batas.
SEK. 10. Ang alin mang lalawigan, lungsod, bayan o baranggay ay hindi maaaring likhain, hatiin, pagsamahin, bulwagin, o lubhang baguhin ang hanggahan nito, maliban kung naaayon sa mga batayang itinatag ng kodigo ng pamahalaang lokal at sa pagpapatibay ng mayoryang boto sa isang plebisito sa mga yunit pulitikal na tuwirang apektado.
SEK. 11. Ang Kongreso ay maaaring lumikha sa pamamagitan ng batas ng tanging mga metropolitan na subdibisyong pulitikal na sasailalim ng isang plebisito ayon sa itinatakda sa Seksyon 4 nito. Dapat manatili sa nakapaloob na mga lungsod at mga bayan ang kanilang saligang awtonomi at dapat na may karapatan sa kanilang sariling mga tagapagpaganap lokal at mga kapulungang tagapagbatas. Ang hurisdiksyon ng awtoridad metropolitan na lilikhain sa gayong paraan ay dapat itakda sa mga pangunahing lingkuran na nangangailangan ng koordinasyon.
SEK. 12. Ang mga lungsod na sukdulang urban gaya ng pagkakatakda ng batas, at ang mga bumubuong lungsod na ang mga karta ay nagbabawal sa kanilang mga botante na bumoto para sa mga halal na pinuno ng lalawigan, ay dapat maging malaya sa lalawigan. Ang mga botante ng mga bumubuong lungsod na nakapaloob sa isang lalawigan, na ang mga karta ay hindi nagtataglay ng gayong pagbabawal, ay hindi dapat pagkaitan ng kanilang karapatang bumoto para sa mga halal na pinuno ng lalawigan.
SEK. 13. Ang mga yunit ng pamahalaang lokal ay maaaring magsama-sama, magbuo o mag-ugnay ng kanilang mga pagsisikap, mga lingkuran, at mga mapagkukunangbatis para sa mga layuning kapaki-pakinabang sa kanila nang naaayon sa batas.
SEK. 14. Dapat maglaan ang Pangulo ng mga panrehyong sanggunian sa pagpapaunlad o iba pang katulad na mga kalupunan na binubuo ng lokal na mga pinuno ng pamahalaan, mga panrehyong puno ng mga kagawaran at iba pang mga tanggapan ng pamahalaan, at ng mga kinatawan mula sa mga organisasyong di pampamahalaan sa loob ng mga rehyon para sa mga layuning desentralisasyon ng pangangasiwa upang mapatatag ang awtonomi ng mga yunit doon at upang mapabilis ang pagsulong at pag-unlad ng pangkabuhayan at panlipunan ng mga yunit sa rehyon.
MGA REHYONG AWTONOMUS
SEK. 15. Dapat lumikha ng mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera na binubuo ng mga lalawigan, mga lungsod at mga bayan, at mga lawak heograpiko na may panlahat at namumukod na manang kasaysayan at kalinangan, mga istrukturang pangkabuhayan at panlipunan at iba pang nauugnay na mga katangian alinsunod sa balangkas ng Konstitusyong ito, at ng kataas-taasang kapangyarihan ng bansa gayon din ng karangalang teritoryal ng Republika ng Pilipinas.
SEK. 16. Ang Pangulo ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga rehyong awtonomus upang matiyak na matapat na sinusunod ang mga batas.
SEK. 17. Dapat masalalay sa Pamahalaang Pambansa ang lahat ng mga kapangyarihan, mga gawain at mga pananagutan na hindi ipinagkakaloob ng Konstitusyong ito o ng batas sa mga rehyong awtonomus.
SEK. 18. Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang batayang batas para sa bawat rehyong awtonomus sa tulong at pakikilahok ng panrehyong sangguniang komisyon na binubuo ng mga kinatawang hinirang ng Pangulo mula sa talaan ng mga nominado ng mga kalupunang multi-sektoral. Dapat tukuyin ng batayang batas ang saligang balangkas ng pamahalaan para sa rehyon na binubuo ng kagawarang tagapagpaganap at kapulungang tagapagbatas, na kapwa dapat na halal at kumakatawan sa mga bumubuong yunit pulitikal. Ang mga batayang batas ay dapat ding magtadhana ng mga tanging hukuman na may hurisdiksyon sa mga batas na personal, pampamilya at pang-ari-arian nang naaalinsunod sa mga tadhana ng Konstitusyong ito at ng mga batas pambansa. Dapat magkabisa ang paglikha ng rehyong awtonomus kapag pinagtibay ng mayoryang boto ng mga yunit ng manghahalal sa isang plebisito na itinawag ukol doon, sa pasubali na iyon lamang mga lalawigan, mga lungsod at mga lugar heograpiko na bumoto nang katig sa gayong plebisito ang isasama sa rehyong awtonomus.
SEK. 19. Dapat magpatibay ng mga batayang batas ang unang Kongreso na inihalal sa ilalim ng Konstitusyong ito, sa loob ng labingwalong buwan simula sa pagkakatatag ng dalawang Kapulungan, para sa mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera.
SEK. 20. Ang batayang batas ng mga rehyong awtonomus, sa loob ng hurisdiksyong teritoryal nito at sa ilalim ng mga tadhana ng Konstitusyong ito at ng mga batas pambansa, ay dapat magtadhana ng mga kapangyarihang tagapagbatas sa:
1) Organisasyong pampangasiwaan;
2) Paglikha ng mga mapagkukunan ng rebenyu;
3) Mga manang lupain at mga likas na kayamanan;
4) Mga ugnayang personal, pampamilya at pang-ari-arian;
5) Panrehyong pagpaplano para sa pagpapaunlad urban at rural;
6) Pagpapaunlad na pangkabuhayan, panlipunan at panturismo;
7) Mga patakarang pang-edukasyon;
8) Pangangalaga at pagpapaunlad sa manang kalinangan; at
9) Mga iba pang bagay-bagay na maaaring ipahintulot ng batas para sa pagtataguyod ng kagalingang panlahat ng mga mamamayan sa rehyon.
SEK. 21. Ang pagpapanatili ng katiwasayan at kaayusan sa mga rehyon ay dapat na pananagutan ng mga lokal na sangay ng pulisya na isasatatag, tutustusan, pangangasiwaan at gagamitin nang naaayon sa mga karampatang batas. Ang pagtatanggol at seguridad ng mga rehyon ay dapat na pananagutan ng Pamahalaang Pambansa.
ARTIKULO XI
KAPANAGUTAN NG MGA PINUNONG PAMBAYAN
SEKSYON 1. Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa mga taong-bayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan, at mamuhay nang buong kapakumbabaan.
SEK. 2. Ang Pangulo, ang Pangalawang-Pangulo, ang mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, ang mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, at ang Ombudsman ay maaaring alisin sa katungkulan sa pamamagitan ng impeachment, at pagkahatol doon sa tandisang paglabag sa konstitusyon, pagtataksil, pagpapasuhol, graft and corruption, iba pang mabibigat na krimen, o pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan. Ang lahat ng iba pang mga pinuno at kawaning pambayan ay maaaring itiwalag sa katungkulan ayon sa itinatadhana ng batas subalit hindi sa pamamagitan ng impeachment.
SEK. 3. (1) Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon ng tanging kapangyarihang magpasimula sa lahat ng mga kaso ng impeachment.
(2) Ang isalig pinanumpaang sakdal ukol sa impeachment ay maaaring iharap ng sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan o ng sino mang mamamayan sa pamamagitan ng isang resolusyon ng pagsang-ayon ng sino mang Kagawad niyon, na dapat isama sa Palatuntunan ng Pagpupulungan sa loob ng sampung araw ng sesyon, at dapat itukoy sa nararapat na Komite sa loob ng tatlong araw ng sesyon pagkatapos noon. Pagkaraan ng pagdinig at sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga Kagawad nito, ang Komite ay dapat magharap ng ulat nito sa Kapulungan sa loob ng animnapung araw ng sesyon mula sa nabanggit na pagtutukoy, kasama ang kaukulang resolusyon. Dapat ikalendaryo ng Kapulungan ang pagsasaalang-alang sa resolusyon sa loob ng sampung araw ng sesyon pagkatanggap nito.
(3) Dapat kailanganin ang boto ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan upang patotohanan ang isang katig na resolusyon sa Articles of Impeachment ng Komite, o pawalang-halaga ang salungat na resolusyon nito. Dapat itala ang boto ng bawat Kagawad.
(4) Kung ang pinanumpaang sakdal o resolusyon sa impeachment ay iniharap ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan, iyon ay dapat bumuo sa Articles of Impeachment, at dapat isunod agad ang paglilitis ng Senado.
(5) Hindi dapat ipagharap ang opisyal ding iyon nang higit sa isang sakdal na impeachment sa loob ng isang taon.
(6) Ang Senado ay dapat magkaroon ng tanging kapangyarihang maglitis sa lahat ng mga kaso ng impeachment. Kapag nagpulong ukol sa layuning iyon, ang mga Senador ay dapat sumailalim ng panunumpa o pagpapatotoo. Kapag ang Pangulo ng Pilipinas ay nililitis, ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman ang dapat mangulo, ngunit hindi dapat bumoto. Hindi dapat parusahan ang sino mang tao nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
(7) Ang mga hatol sa mga kaso ng impeachment ay hindi dapat humigit pa sa pag-aalis sa katungkulan at diskwalipikasyon sa paghawak ng ano mang katungkulan sa ilalim ng Republika ng Pilipinas, ngunit ang panig na naparusahan ay dapat pa ring managot at sumailalim ng pag-uusig, paglilitis at pagpaparusa ayon sa batas.
(8) Ang Kongreso ay dapat maglagda ng mga tuntunin nito sa impeachment upang mabisang maisakatuparan ang layunin ng seksyong ito.
SEK. 4. Ang kasalukuyang hukuman laban sa katiwalian na tinatawag na Sandiganbayan ay dapat magpatuloy sa tungkulin at tumupad ng hurisdiksyon nito katulad ng sa ngayon o pagkaraan ay maaaring itadhana ng batas.
SEK. 5. Sa pamamagitan nito ay nililikha ang malayang tanggapan ng Ombudsman, na binubuo ng Ombudsman na tatawaging Tanodbayan, isang panlahatang Depyuti, at isa man lamang Depyuti sa bawat isa sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Maaari ring humirang ng isang hiwalay na Depyuti para sa military establishment.
SEK. 6. Ang mga opisyal at mga kawani ng Tanggapan ng Ombudsman, maliban sa mga Depyuti, ay dapat hirangin ng Ombudsman alinsunod sa Batas ng Serbisyo Sibil.
SEK. 7. Ang Tanodbayan, na umiiral sa kasalukuyan, ay dapat tawagin mula ngayon na Tanggapan ng Tanging Tagausig. Ito ay dapat magpatuloy sa tungkulin at tumupad ng kapangyarihan nito katulad ng sa ngayon o pagkaraan ay maaaring itadhana ng batas, matangi roon sa mga ipinagkaloob sa katungkulan ng Ombudsman na nilikha sa ilalim ng Konstitusyong ito.
SEK. 8. Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat na mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, at sa panahon ng pagkahirang sa kanila ay may apatnapung taong gulang man lamang, kinikilala sa pagkamatapat at sariling pag-iisip, at kabilang sa Philippine Bar, at hindi naging mga kandidato sa ano mang katungkulang halal sa sinundang nakalipas na halalan. Ang Ombudsman ay kinakailangang naging isang hukom o nagpraktis bilang abogado sa Pilipinas sa loob ng sampung taon o mahigit pa.
Sa panahon ng kanilang panunungkulan, sila ay dapat sumailalim ng mga diskwalipikasyon at mga pagbabawal na tulad ng itinatadhana sa Seksyon 2, Artikulo XI-A ng Konstitusyong ito.
SEK. 9. Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat hirangin ng Pangulo mula sa talaan ng anim man lamang na pagpipilian na inihanda ng Judicial and Bar Council, at mula sa talaan ng tatlong pagpipilian para sa bawat bakante pagkaraan niyon. Hindi dapat kailanganin sa mga paghirang na iyon ang ano mang kumpirmasyon. Ang lahat ng mga bakante ay dapat punan sa loob ng tatlong buwan matapos mabakante ang mga iyon.
SEK. 10. Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat magtaglay ng ranggo ng Tagapangulo at mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, ayon sa pagkakasunud-sunod, at sila ay dapat tumanggap ng katulad na sahod, na hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEK. 11. Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat manungkulan sa taning na pitong taon na di na muling mahihirang. Sila ay hindi dapat maging marapat kumandidato sa ano mang katungkulan sa halalang kagyat na susunod sa pagtatapos ng kanilang panunungkulan.
SEK. 12. Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti, bilang mga tagapagsanggalang ng taong-bayan, ay dapat kumilos nang daglian sa mga sumbong na iniharap sa ano mang anyo o paraan, laban sa mga pinuno o kawaning pambayan ng pamahalaan, o ng ano mang subdibisyon, ahensya o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, at sa mga angkop na kaso ay dapat ipabatid sa mga maysumbong ang isinagawang aksyon at ang mga resulta niyon.
SEK. 13. Dapat magkaroon ang Tanggapan ng Ombudsman ng sumusunod na mga kapangyarihan, mga gawain at mga tungkulin:
(1) Magsiyasat sa kusa nito o sa sumbong ng sino mang tao, ng ano mang kagagawan o pagkukulang ng sino mang opisyal, kawani, tanggapan o ahensyang pambayan kapag ang gayong kagagawan o pagkukulang ay lumilitaw na ilegal, di makatarungan, di nararapat, o di episyente.
(2) Mag-atas, batay sa sumbong o sa sariling kusa nito, sa sino mang opisyal pambayan o kawani ng pamahalaan, o ng alin mang subdibisyon, ahensya o instrumentaliti niyon, at maging ng alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta, na tuparin at madaliin ang ano mang kilos o tungkulin na hinihingi sa kanya ng batas, pigilin, hadlangan, at iwasto ang ano mang pagmamalabis o di nararapat sa pagtupad ng mga tungkulin.
(3) Mag-atas sa kinauukulang pinuno na magsagawa ng nararapat na hakbang laban sa isang nagkasalang opisyal o kawaning pambayan, at magtagubilin ng kanyang pagtitiwalag, pagsuspindi, pagbaba ng katungkulan, pagmumulta, mahigpit na pangangaral, o pag-uusig, at tiyakin ang pagtalima sa ipinag-utos.
(4) Sa alin mang nararapat na kaso at sa ilalim ng mga katakdaan na maaaring itadhana ng batas, mag-atas sa kinauukulang pinuno na bigyan ito ng mga sipi ng mga dokumento tungkol sa mga kontrata o mga transaksyon na pinasok ng kanyang tanggapan na may kinalaman sa pagbabayad o paggamit ng mga pondo o mga ariariang pambayan, at mag-ulat sa Komisyon sa Awdit ng ano mang katiwalian upang magawan ng karampatang hakbang.
(5) Humiling sa alin mang sangay ng pamahalaan ng kinakailangang tulong at impormasyon sa pagtupad ng mga pananagutan nito, at magsuri, kung kinakailangan, ng nauukol na mga rekord at mga dokumento.
(6) Magpahayag ng mga bagay-bagay na saklaw ng pagsisiyasat nito kung hinihingi ng mga pangyayari at taglay ang nararapat na pag-iingat.
(7) Alamin ang mga dahilan ng di kahusayan, red tape, masamang pamamahala, pagdaraya, at katiwalian sa pamahalaan at magrekomenda ukol sa pag-aalis ng mga ito at pagsunod sa matataas na mga pamantayan ng kagandahang-asal at kahusayan.
(8) Maglagda ng mga tuntunin ng pamamaraan nito at gumanap ng iba pang mga kapangyarihan o tumupad ng mga gawain o mga tungkulin na maaaring itadhana ng batas.
SEK. 14. Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang Tanggapan ng Ombudsman. Dapat ipalabas nang kusa at regular ang pinagtibay na taunang laang-gugulin nito.
SEK. 15. Hindi dapat mahadlangan ng prescription, laches, o estoppel ang karapatan ng Estado na mabawi ang mga ariariang nakuha nang labag sa batas ng mga opisyal o mga kawaning pambayan, mula sa kanila o sa kanilang mga nomini o mga pinaglipatan.
SEK 16. Hindi maaaring magkaloob, nang tuwiran o di-tuwiran, ng ano mang pautang, garantya o iba pang uri ng kaluwagang pampananalapi para sa alin mang layuning pangnegosyo ang alin mang bangko o institusyong Pampananalapi na ari o kontrolado ng pamahalaan sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, sa mga Kagawad ng Gabinete, ng Kongreso, ng Kataastaasang Hukuman, at ng mga Komisyong Konstitusyonal, sa Ombudsman, o sa alin mang bahay-kalakal o entity na mayroon silang kontroling interest, sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEK. 17. Ang isang pinuno o kawaning pambayan, sa pag-upo niya sa tungkulin at sa limit ng panahong maaaring itadhana ng batas, ay dapat magsumite ng pinanumpaang deklarasyon ng kanyang mga ariarian, pananagutan at netong kabuuan ng ariarian. Sa kalagayan ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Kagawad ng Gabinete, ng Kongreso, ng Kataastaasang Hukuman, ng mga Komisyong Konstitusyonal at ng iba pang katungkulang Konstitusyonal, at mga pinuno ng Sandatahang Lakas na may ranggong heneral o pamandila, ang deklarasyon ay dapat isiwalat sa madla sa paraang itinatadhana ng batas.
SEK. 18. Ang mga pinuno at kawaning pambayan ay may kautangang katapatan sa lahat ng oras sa Estado at sa Konstitusyon, at ang sino mang pinuno o kawaning pambayan na naghahangad magbago ng kanyang pagkamamamayan o magtamo ng katayuang imigrant sa ibang bansa sa panahon ng kanyang panunungkulan ay dapat lapatan ng kaukulang batas.
ARTIKULO XII
PAMBANSANG EKONOMIYA AT PATRIMONYA
SEKSYON 1. Ang mga tunguhin ng pambansang ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon, kita at kayamanan; sustinadong pagpaparami ng mga kalakal at mga paglilingkod na likha ng bansa para sa kapakinabangan ng sambayanan; at lumalagong pagkaproduktibo bilang susi sa pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapuspalad.
Dapat itaguyod ng Estado ang industryalisasyon at pagkakataon na magkahanapbuhay ang lahat batay sa mahusay na pagpapaunlad ng pagsasaka at repormang pansakahan, sa pamamagitan ng mga industrya na gumagamit nang lubusan at episyente sa mga kakayahan ng tao at mga likas na kayamanan, at nakikipagpaligsahan kapwa sa mga pamilihang lokal at dayuhan. Gayon man, dapat pangalagaan ng Estado ang mga negosyong Pilipino laban sa marayang kompitensyang dayuhan at mga nakamihasnan sa pangangalakal.
Sa pagsisikap na matamo ang mga tunguhing ito, dapat bigyan ng lubos na pagkakataong umunlad ang lahat ng mga sektor ekonomiko at mga rehyon ng bansa.
Dapat pasiglahin ang mga pribadong negosyo, pati na mga korporasyon, mga kooperatiba at katularing mga lansakang organisasyon, sa pagpapalawak ng base ng kanilang pagmamay-ari.
SEK. 2. Ang lahat ng mga lupaing ari ng bayan, mga tubig, mga mineral, karbon, petrolyo at iba pang mga langis mineral, lahat ng mga lakas ng mga potensyal na enerhya, mga pangisdaan, mga kagubatan o mga kahuyan, buhay-ilang, halaman at hayop, at iba pang mga likas na kayamanan ay ari ng Estado. Hindi maaaring ilipat kanino man ang lahat ng iba pang mga likas na kayamanan maliban sa mga lupaing pansakahan. Dapat sumailalim sa ganap na kontrol at superbisyon ng Estado ang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga likas na kayamanan. Ang mga gawaing ito ay maaaring tuwirang isagawa ng Estado, o ito ay maaaring makipagkasunduang ko-produksyon, magkasamang pakikipagsapalaran, bakasang produksyon sa mga mamamayang Filipino o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan. Ang gayong mga kasunduan ay maaaring ukol sa panahong hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, na mapapanibago sa hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, at sa ilalim ng mga termino at mga kondisyon na maaaring itadhana ng batas. Sa kalagayan ng mga karapatan sa patubig, panustos-tubig, mga pangisdaan o mga gamit pang-industrya na iba sa pagpapaunlad ng lakas-tubig, ang gamit na kapaki-pakinabang ang maaring maging sukatan at katakdaan ng pagkakaloob.
Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at eksklusibo na sonang pangkabuhayan nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Filipino.
Maaaring pahintulutan ng Kongreso sa pamamagitan ng batas ang maliitang pagsasagamit ng mga likas na kayamanan ng mga mamamayang Pilipino, gayon din ang pangkooperatibang pag-aalaga ng isda, na ang prayoriti ay sa tawid-buhay na mga mangingisda at mga manggagawang pangisda sa mga ilog, mga lawa, mga look, at mga dagat-dagatan.
Ang Pangulo ay maaaring makipagkasunduan sa mga korporasyong aring-dayuhan na kinapapalooban ng tulong teknikal o pinansyal para sa malawakang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga mineral, petrolyo at iba pang mga langis mineral alinsunod sa mga pangkalahatang termino at mga kondisyon na itinatadhana ng batas, batay sa mga tunay na ambag sa pagsulong na pangkabuhayan at sa kagalingang panlahat ng bansa. Sa gayong mga kasunduan, dapat itaguyod ng Estado ang pagpapaunlad at paggamit sa mga lokal na batis syentipiko at teknikal.
Dapat ipagbigay-alam ng Pangulo sa Kongreso ang bawat kontratang pinakipagkayarian alinsunod sa tadhanang ito sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkakapagsagawa nito.
SEK. 3. Ang mga lupaing ari ng bayan ay inuuri na pansakahan, kagubatan o kakahuyan, lupaing mineral, at mga pambansang parke. Ang mga lupaing pansakahan na ari ng bayan ay maaaring uriin pa sa pamamagitan ng batas alinsunod sa mga paggagamitan nito. Dapat limitahan sa mga lupaing pansakahan ang maililipat na mga lupaing ari ng bayan. Hindi maaaring humawak ang alin mang pribadong korporasyon o asosasyon ng mga lupaing maililipat na ari ng bayan maliban sa pamamagitan ng lease, sa taning na panahong hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, na mapaninibago sa hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, at hindi lalabis sa isang libong ektaryang sukat. Ang mga mamamayan ng Pilipinas ay maaring mag-lease nang hindi lalabis sa limang daang ektarya, o magtamo sa pamamagitan ng pagbili, homested, o kaloob, nang hindi lalabis sa labindalawang ektarya niyon. Dapat itakda ng Kongreso, sa pagsasaalang-alang sa mga pangangailangan sa pangangalaga, ekolodyi at pagpapaunlad at alinsunod sa mga hinihingi ng repormang pansakahan, sa pamamagitan ng batas, ang sukat ng mga lupaing ari ng bayan na maaaring tamuhin, paunlarin, hawakan, o paupahan at ang mga kondisyon niyon.
SEK. 4. Dapat magtakda ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas sa lalong madaling panahon ng mga tiyak na saklaw ng mga lupaing kagubatan at mga pambansang parke, na malinaw na magtatakda ng kanilang mga hanggahan sa lupa. Pagkatapos noon, ang gayong mga lupaing kagubatan at mga pambansang parke ay dapat ikonserba at hindi maaaring dagdagan ni bawasan, maliban sa pamamagitan ng batas. Dapat magtakda ang Kongreso, para sa panahong maaaring ipasya nito, ng mga batas na magbabawal ng pagtotroso sa mga nanganganib na kagubatan at mga sakop ng watershed.
SEK. 5. Dapat pangalagaan ng Estado, batay sa mga tadhana ng Konstitusyong ito at sa mga patakaran at mga programa sa pagpapaunlad ng bansa, ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa kanilang mga minanang lupain upang matiyak ang kanilang kagalingang ekonomiko, panlipunan at pangkultura.
Maaaring magtakda ang Kongreso para sa pagpapairal ng mga nakaugaliang batas hinggil sa mga karapatan o mga ugnayan sa ariarian sa pagtiyak sa pagmamay-ari at saklaw ng minanang lupain.
SEK. 6. Ang paggamit ng ariarian ay may nauukol na tungkuling sosyal, at lahat ng mga kinatawang pangkabuhayan ay dapat mag-ambag sa kabutihang panlahat. Dapat magkaroon ng karapatan ang mga indibidwal at mga pribadong pangkat, kabilang ang mga korporasyon, mga kooperatiba, at katularing mga lansakang organisasyon, na magmay-ari, magtatag at magpalakad ng mga negosyong pangkabuhayan, sa saklaw ng tungkulin ng Estado na itaguyod ang marapat na katarungan at manghimasok kapag hinihingi ng kabutihang panlahat.
SEK. 7. Hindi dapat malipat o masalin ang ano mang pribadong lupain maliban sa pagmamana, at sa mga tao, mga korporasyon o mga asosasyon na may karapatang magtamo o maghawak ng mga lupaing ari ng bayan.
SEK. 8. Sa kabila ng mga tadhana ng Seksyon 7 ng Artikulong ito, ang isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas na nawalan ng pagkamamamayang Pilipino ay maaaring paglipatan ng mga lupaing pribado, batay sa mga katakdaang itinatadhana ng batas.
SEK. 9. Maaaring magtatag ang Kongreso ng isang malayang sangay sa ekonomiya at pagpaplano na pamumunuan ng Pangulo, na dapat magtagubilin sa Kongreso matapos makipagsanggunian sa angkop na mga sangay pambayan, sa iba’t ibang pribadong sektor, at sa mga yunit ng pamahalaang lokal, at magsakatuparan ng patuluyan, pinag-isa at magkakaugnay na mga programa at patakaran para sa pagpapaunlad ng bansa. Hangga’t ang Kongreso ay hindi nagtatakda ng naiiba, dapat manungkulan ang Pambansang Pangasiwaan sa Ekonomya at Pagpapaunlad bilang malayang sangay sa pagpaplano ng pamahalaan.
SEK. 10. Sa tagubilin ng sangay sa ekonomiya at pagpaplano, dapat ilaan ng Kongreso sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan, o ang mas mataas na porsyento na maaaring itakda ng Kongreso, ang ilang mga larangan ng pamumuhunan kailan man at ganito ang iniaatas ng pambansang kapakanan. Dapat magsabatas ang Kongreso ng mga hakbanging magpapasigla sa pagbubuo at pagpapalakad ng mga negosyo na ang puhunan ay aring ganap ng mga Pilipino.
Sa pagkakaloob ng mga karapatan, mga pribilehyo at mga konsesyon na sumasaklaw sa pambansang ekonomiya at patrimonya, dapat unahin ng Estado ang mga kwalipikadong Pilipino.
Dapat regulahin at gamitin ng Estado ang awtoridad nito sa mga puhunang dayuhan na saklaw ng pambansang hurisdiksyon nito at nang naalinsunod sa mga pambansang tunguhin at prayoriti nito.
SEK. 11. Hindi dapat ipagkaloob ang ano mang prangkisya, sertipiko, o iba pang anyo ng pahintulot sa pagpapalakad ng kagamitang pambayan maliban sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyong itinatag sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan, ni hindi dapat na ang prangkisya, sertipiko, o pahintulot ay tanging-tangi sa uri o hihigit pa sa limampung taon ang itatagal. Ni hindi dapat ipagkaloob ang gayong prangkisya o karapatan maliban sa kondisyon na ito ay dapat sumailalim ng pagsususog, pagbabago, o pagpapawalang-saysay ng Kongreso kapag kinakailangan ng kabutihang panlahat. Dapat pasiglahin ng Estado ang tanan na makilahok sa pamumuhunan sa mga kagamitang pambayan. Ang paglahok ng mga mamumuhunang dayuhan sa mga pamatnugutan sa ano mang kalakalan sa kagamitang pambayan ay dapat matakda sa kanilang katumbas na sapi sa puhunan niyon, at ang lahat ng mga pinunong tagapagpaganap at tagapamahala ng gayong mga korporasyon o asosasyon ay kinakailangang mga mamamayan ng Pilipinas.
SEK. 12. Dapat magtaguyod ang Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at mga kalakal na yaring lokal at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang makalaban sa kompitensya ang mga ito.
SEK. 13. Dapat magtaguyod ang Estado ng patakarang pangkalakalan na mauukol sa kagalingang panlahat at magsasagamit sa lahat ng mga anyo at ayos ng palitan na nasasalig sa pagkakapantay-pantay at pagtutumbasan.
SEK. 14. Dapat magtaguyod ang Estado ng patuluyang pagpapaunlad ng isang pambansang pagpipisan ng talino ng mga Pilipinong sayantist, mga mamumuhunan, mga propesyonal, mga manedyer, mataas na kaantasan ng teknikal manpower at mga bihasang manggagawa at mga artisan sa lahat ng mga larangan. Dapat magtaguyod ang Estado ng angkop na teknolohya at magregula ng paglilipat ng teknolohya para sa kapakinabangan ng bansa.
Dapat ilaan lamang sa mga mamamayang Pilipino ang pagpapraktis ng lahat ng mga propesyon sa Pilipinas, matangi sa mga kalagayang itatakda ng batas.
SEK. 15. Dapat lumikha ang Kongreso ng isang sangay na magtataguyod sa pag-iral at pagsulong ng mga kooperatiba bilang mga kasangkapan para sa katarungang panlipunan at kaunlarang pangkabuhayan.
SEK. 16. Hindi dapat magtadhana ang Kongreso, maliban sa pamamagitan ng pangkalahatang batas, ukol sa pagbubuo, pagtatatag, o pagreregula ng mga pribadong korporasyon. Maaaring lumikha o magtatag ng mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga tanging karta para sa kabutihan ng lahat at nasasalalay sa pagsubok sa pagiging kapaki-pakinabang nito.
SEK. 17. Ang Estado, sa mga panahon ng pambansang kagipitan, kapag kinakailangan ng kapakanang pambayan, ay maaaring pansamantalang mangasiwa o mamatnugot sa pagpapalakad ng ano mang pambayang yutiliti na aring pribado o negosyong kinapapalooban ng kapakanang pambayan, habang umiiral ang kagipitang pambayan at sa ilalim ng makatwirang mga katakdaang itatagubilin nito.
SEK. 18. Ang Estado, sa kapakanan ng pambansang kagalingan o pagtatanggol, ay maaring magtatag at magpalakad ng mga napakahalagang industrya, at pagkapagbayad ng wastong kabayaran, maaaring ilipat nito sa pagmamay-aring pambayan ang mga yutiliti at iba pang mga pribadong negosyo na palalakarin ng pamahalaan.
SEK. 19. Dapat regulahin o ipagbawal ng Estado ang mga monopoli kapag kinakailangan ng kapakanang pambayan. Hindi dapat payagan ang mga kombinasyong sumusupil sa kalakalan o ang marayang kompitensya.
SEK. 20. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang malayang punong pangasiwaan sa pananalapi, na ang mga kagawad ng namumunong kalupunan ay kinakailangang mga katutubong inianak na mamamayang Filipino na kilala sa pagkamatapat, pagkamarangal, at pagkamakabayan, at ang nakararami sa kanila ay dapat magmula sa pribadong sektor. Sila ay dapat ding sumailalim sa iba pang mga kwalipikasyon at disabiliti na maaaring itakda ng batas. Dapat magtakda ang pangasiwaan ng patnubay na patakaran sa mga larangan na may kinalaman sa salapi, pagbabangko, at kredito. Dapat magkaroon ito ng superbisyon sa pamamalakad ng mga bangko at gampanan ang mga kapangyarihan sa pagregula nang ayon sa maaaring itadhana ng batas sa pamamalakad ng mga kompanya sa pananalapi at sa iba pang mga institusyong gumaganap ng katularing mga gawain.
Hangga’t hindi nagtatakda ng naiiba ang Kongreso, ang Bangko Sentral ng Pilipinas, sa pagpapalakad sa ilalim ng umiiral na mga batas, ay gaganap bilang punong pangasiwaan sa pananalapi.
SEK. 21. Maaari lamang makautang sa ibang bansa nang naaalinsunod sa batas at sa alituntunin ng pangasiwaan sa pananalapi. Dapat maging handa sa pagbibigay sa taong-bayan ng impormasyon hinggil sa mga utang sa ibang bansa na nakuha o ginarantyahan ng pamahalaan.
SEK. 22. Ang mga kagagawan na lumihis o nagpapawalang-saysay sa alin mang tadhana ng Artikulong ito ay dapat ituring na di naaangkop sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng mga parusang sibil at kriminal, ayon sa maaaring itakda ng batas.
ARTIKULO XIII
KATARUNGANG PANLIPUNAN AT MGA KARAPATANG PANTAO
SEKSYON. 1. Dapat pag-ukulan ng Kongreso ng pinakamataas na prayoriti ang pagsasabatas ng mga hakbangin na mangangalaga at magpapatingkad sa karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa dignidad na pantao, magbabawas sa mga di pagkakapantay-pantay na panlipunan, pangkabuhayan at pampulitika, at papawi sa mga di pagkakapantay-pantay na pangkalinangan sa pamamagitan ng ekwitableng pagpapalaganap ng kayamanan at kapangyarihang pampulitika para sa kabutihan ng lahat.
Tungo sa mga mithiing ito, dapat regulahin ng Estado ang pagtatamo, pagmamay-ari, paggamit, at paglilipat ng ariarian at ng mga bunga nito.
SEK. 2. Dapat na kalakip sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan ang komitment sa paglikha ng mga pagkakataong ekonomiko na nasasalig sa kalayaan sa pagpapatiuna at pagtitiwala sa sariling kakayahan.
PAGGAWA
SEK. 3. Dapat magkaloob ang Estado ng lubos na proteksyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang employment at pantay na mga pagkakataon sa employment para sa lahat.
Dapat nitong garantyahan ang, mga karapatan ng lahat ng mga manggagawa sa pagtatatag ng sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos, kasama ang karapatang magwelga nang naaalinsunod sa batas. Dapat na may karapatan sila sa katatagan sa trabaho, sa makataong mga kalagayan sa trabaho, at sa sahod na sapat ikabuhay. Dapat din silang lumahok sa mga proseso ng pagbabalangkas ng patakaran at desisyon na may kinalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo ayon sa maaaring itadhana ng batas.
Dapat itaguyod ng Estado ang prinsipyong hatiang pananagutan ng mga manggagawa at mga employer at ang preperensyal na paggamit ng boluntaryong mga pamamaraan ng pagsasaayos sa mga hidwaan, kabilang ang konsilyasyon, at dapat ipatupad ang pagtalima rito ng isa’t isa upang maisulong ang katiwasayang industryal.
Dapat regulahin ng Estado ang ugnayan ng mga manggagawa at mga employer, dahil sa pagkilala sa karapatan ng paggawa sa karampatang kaparte nito sa mga bunga ng produksyon at sa karapatan ng mga negosyo sa makatwirang tubo sa mga pamumuhunan, at sa paglawak at paglago.
REPORMANG PANSAKAHAN AT PANLIKAS NA KAYAMANAN
SEK. 4. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid, na mga walang lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o, sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid, tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga niyon. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng lahat ng mga lupang pansakahan, na sasailalim sa mga prayoriti at sa makatwirang mapananatiling mga sukat na maaaring itakda ng Kongreso, na nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ikolodyi, pangkaunlaran o pagkamakatarungan, at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retensyon limit. Dapat ding maglaan ang Estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa.
SEK. 5. Dapat kilalanin ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka, mga manggagawa sa bukid, at mga may-ari ng lupa, gayon din ng mga magsasaka na lumahok sa pagpaplano, pagbuo, at pamamahala ng programa, at dapat maglaan ng suporta sa pagsasaka sa pamamagitan ng angkop na teknolohya at pananaliksik, at sapat na mga lingkuran sa pananalapi, produksyon, pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkurang pantulong.
SEK. 6. Dapat ipatupad ng Estado ang mga simulain ng repormang pansakahan o stewardship kailanma’t mapaiiral nang naaalinsunod sa batas sa pamamahagi o paggamit ng iba pang mga likas na kayamanan, kasama ang mga lupaing pambayan na angkop sa pagsasaka sa ilalim ng pamumwisan o konsesyon, batay sa mga karapatang nauuna, mga karapatan sa homested ng maliliit na nananahanan, at mga karapatan ng katutubong mga pamayanan sa kanilang minanang mga lupain.
Maaaring ipanahanan ng Estado ang mga magsasakang walang lupa at ang mga manggagawa sa bukid sa sarili nitong mga lupaing pansakahan na ipamahagi sa kanila sa paraang itinatakda ng batas.
SEK 7. Dapat pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga mangingisdang tawid-buhay, lalo na ng mga lokal na pamayanan, sa may pagtatanging paggamit ng mga kayamanan sa tubig at pangisdaan na para sa lahat, kapwa sa mga tubigang panloob at sa dagat. Dapat na maglaan ito ng suporta sa mga mangingisdang iyon sa pamamagitan ng angkop- na teknolohya at pananaliksik, sapat na tulong na nauukol sa pananalapi, produksyon at pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkuran. Dapat ding pangalagaan, paunlarin at ikonserba ng Estado ang mga kayamanang iyon. Dapat umabot ang pangangalaga sa mga pangisdaan sa dagat ng mga mangingisdang tawid-buhay laban sa pagpasok ng dayuhan. Dapat tumanggap ang mga manggagawa sa pangisdaan ng karampatang kaparte sa kanilang pagtatrabaho sa pakinabang sa mga kayamanan sa tubig at pangisdaan.
SEK. 8. Dapat maglaan ang Estado ng mga insentibo sa mga may-ari ng lupa sa pamumuhunan ng tinanggap na kabayaran sa programa sa repormang pansakahan upang itaguyod ang industryalisasyon, lumikha ng mga hanapbuhay, at isapribado ang mga negosyo ng sektor publiko. Ang mga kasangkapang pampananalapi na ginamit na kabayaran sa kanilang mga lupain ay dapat tanggaping ekwiti sa kanilang piniling mga negosyo.
REPORMA SA LUPANG URBAN AT SA PABAHAY
SEK. 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.
SEK. 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.
Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.
KALUSUGAN
SEK. 11. Dapat magsagawa ang Estado ng pinag-isa at komprehensibong lapit sa pagpapaunlad ng kalusugan na magbibigay ng mga pangunahing pangangailangan, mga lingkurang pangkalusugan at iba pang mga lingkurang panlipunan na makakayanan ng lahat ng mga mamamayan. Dapat magkaroon ng prayoriti para sa mga pangangailangan ng mahihirap na maysakit, matatanda, may-kapansanan, mga babae, at mga bata. Dapat sikapin ng Estado na makapagkaloob ng libreng panggagamot sa mga pulubi.
SEK. 12. Dapat magtatag at magpanatili ang Estado ng mabisang sistema ng pangangasiwa sa pagkain at gamot at magsagawa ng angkop na pagpapaunlad at pananaliksik sa laang-bisig sa kalusugan na tumutugon sa mga pangangailaan at suliranin sa kalusugan ng bansa.
SEK. 13. Dapat magtatag ang Estado ng isang natatanging tanggapan para sa mga taong baldado para sa kanilang mga rehabilitasyon, sariling pagpapaunlad, at pagtitiwala sa sariling kakayahan, at sa kanilang pakikiisa sa kabuuang daloy ng lipunan.
KABABAIHAN
SEK. 14. Dapat pangalagaan ng Estado ang mga kababaihang nagtatrabaho sa pamamagitan ng paglalaan ng ligtas at nakapagpapalusog na mga kalagayan sa pagtatrabaho, na nagsasaalang-alang ng kanilang mga gawain bilang ina, at ng mga kaluwagan at mga pagkakataon na nagpapatingkad sa kanilang ikagagaling at ikagiginhawa upang matamo ang kanilang ganap na potensyal sa paglilingkod sa bansa.
ANG BAHAGING GINAGAMPANAN AT MGA KARAPATAN NG MGA ORGANISASYON NG SAMBAYANAN
SEK. 15. Dapat igalang ng Estado ang bahaging ginagampanan ng malayang mga organisasyon ng sambayanan upang matamo at mapangalagaan ng mga taong-bayan, sa loob ng balangkas na demokratiko, ang kanilang lehitimo at sama-samang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng paraang mapayapa at naaayon sa batas.
Ang mga organisasyon ng sambayanan ay mga asosasyong bona fide ng mga mamamayan na may subok na kakayahang itaguyod ang kapakanang pambayan at may mapagkikilalang pamiminuno, kasapian at istruktura.
SEK. 16. Hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng mga antas ng pagpapasyang panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan. Dapat padaliin ng Estado, sa pamamagitan ng batas, ang pagtatatag ng sapat na mga pamamaraan sa pakikipagsanggunian.
MGA KARAPATANG PANTAO
Ang Komisyon sa Mga Karapatang Pantao
SEK. 17. (1) Nililikha sa pamamagitan nito ang isang malayang tanggapan na tatawaging Komisyon sa mga Karapatang Pantao.
(2) Ang Komisyon ay dapat buuin ng isang Tagapangulo at apat na mga Kagawad na kinakailangang mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at ang mayorya nito ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar. Dapat itadhana ng batas ang taning na panahon ng panunungkulan at ang iba pang mga kwalipikasyon at mga disabiliti ng mga kagawad ng Komisyon.
(3) Hangga’t hindi nabubuo ang Komisyong ito, ang kasalukuyang Pampanguluhang Komite sa mga Karapatang Pantao ay dapat magpatuloy sa pagtupad ng kasalukuyang mga gawain at kapangyarihan nito.
(4) Dapat na kusa at regular na ipalabas ang pinagtibay na taunang laang-gugulin ng Komisyon.
SEK. 18. Dapat magkaroon ang Komisyon sa mga Karapatang Pantao ng sumusunod na mga kapangyarihan at mga gawain:
(1) Magsiyasat, sa kusa nito o sa sumbong ng alin mang panig, ng lahat ng uri ng mga paglabag sa mga karapatang pantao na kinapapalooban ng mga karapatang sibil at pulitikal;
(2) Maglagda ng mga panuntunan sa pamalakad, at mga tuntunin ng pamamaraan nito, at magharap ng sakdal na paglapastangan ukol sa mga paglabag dito nang naaalinsunod sa mga Tuntunin ng Hukuman;
(3) Magtakda ng angkop na mga hakbangin na naaayon sa batas para sa pangangalaga ng mga karapatang pantao ng lahat ng mga tao sa Pilipinas, at gayon din ng mga Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, at magtakda ng mga panagkang hakbangin, at mga paglilingkod na tulong legal sa mga kulangpalad na ang mga karapatang pantao ay nilabag o nangangailangan ng proteksyon;
(4) Tumupad ng mga kapangyarihan sa pagdalaw sa mga piitan, mga bilangguan, o mga pasilidad sa detensyon;
(5) Magtatag ng patuluyang programa sa pananaliksik, edukasyon at impormasyon upang mapatingkad ang paggalang sa pagkapangunahin ng mga karapatang pantao;
(6) Magrekomenda sa Kongreso ng mabisang mga hakbangin upang ma-itaguyod ang mga karapatang pantao at maglaan para sa mga bayad-pinsala sa mga biktima, o sa kanilang mga pamilya, ng mga paglabag sa mga karapatang pantao;
(7) Subaybayan ang pagtalima ng Pamahalaan ng Pilipinas sa mga pananagutan sa pandaigdig na kasunduang-bansa hinggil sa mga karapatang pantao;
(8) Magkaloob ng imyuniti sa pag-uusig sa sino mang tao na ang testimonyo o ang pag-iingat ng mga dokumento o iba pang ebidensya ay kinakailangan o makaluluwag sa pagtiyak ng katotohanan sa alin mang pagsisiyasat na isinagawa nito o sa ilalim ng awtoridad nito;
(9) Hilingin ang tulong ng alin mang kagawaran, kawanihan, tanggapan o sangay sa pagtupad ng mga gawain nito;
(10) Humirang ng mga pinuno at kawani nito nang naaayon sa batas; at
(11) Tumupad ng iba pang mga tungkulin at mga gawain na maaaring itakda ng batas.
SEK. 19. Maaaring magtadhana ang Kongreso para sa iba pang mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao na dapat masaklaw ng awtoridad ng Komisyon, na nagsasaalang-alang sa mga rekomendasyon nito.
ARTIKULO XIV
EDUKASYON, SYENSYA AT TEKNOLOHYA, MGA SINING, KULTURA, AT ISPORTS
SEKSYON 1. Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon.
SEK. 2. Ang Estado ay dapat:
(1) Magtatag, magpanatili, at magtustos ng isang kumpleto, sapat at pinag-isang sistema ng edukasyong naaangkop sa mga pangangailangan ng sambayanan at lipunan;
(2) Magtatag at magpanatili ng isang sistema ng libreng pambayang edukasyon sa elementarya at hayskul. Hindi bilang pagtatakda sa likas na karapatan ng mga magulang sa pag-aaruga ng kanilang mga anak, ang edukasyong elementarya ay sapilitan sa lahat ng mga batang nasa edad ng pagaaral.
(3) Magtatag at magpanatili ng isang sistema ng mga kaloob na iskolarsip, mga programang pautang sa estudyante, mga tulong na salapi at iba pang mga insentibo na dapat ibigay sa karapat-dapat na mga estudyante sa mga paaralang publiko at pribado, lalo na sa mga kulang-palad;
(4) Pasiglahin ang di-pormal, impormal at katutubong mga sistema ng pagkatuto, at gayon din ang mga programang pagkatuto sa sarili, sarilinang pag-aaral at pag-aaral sa labas ng paaralan lalo na yaong tumutugon sa mga pangangailangan ng pamayanan; at
(5) Mag-ukol sa mga mamamayang may sapat na gulang, may kapansanan, at kabataang nasa labas ng paaralan ng pagsasanay sa sibika, kahusayang bokasyonal at iba pang mga kasanayan.
SEK. 3. (1) Dapat maging bahagi ng kurikula ang pag-aaral ng Konstitusyon sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.
(2) Dapat nilang ikintal ang pagkamakabayan at nasyonalismo, ihasik ang pag-ibig sa sangkatauhan, paggalang sa mga karapatang pantao, pagpapahalaga sa gampanin ng mga pambansang bayani sa historikal na pagpapaunlad ng bansa, ituro ang mga karapatan at mga tungkulin ng pagkamamamayan, patatagin ang mga pagpapahalagang etikal at espiritwal, linangin ang karakter na moral at disiplinang pansarili, pasiglahin ang kaisipang mapanuri at malikhain, palawakin ang kaalamang syentipiko at teknolohikal, at itaguyod ang kahusayang bokasyonal;
(3) Sa opsyong nakalahad nang nakasulat ng mga magulang o mga tagakupkop, dapat pahintulutang ituro ang relihyon sa kanilang mga anak o mga ampon sa mga pambayang paaralang elementarya at hayskul sa regular na mga oras ng klase ng mga tagapagturong itinalaga o pinahintulutan ng relihyosong awtoridad ng relihyong kinaaniban ng mga anak o mga ampon, nang walang dagdag na gastos ang pamahalaan.
SEK 4. (1) Kinikilala ng Estado ang mga gampaning komplimentaryo ng mga institusyong publiko at pribado sa sistemang pang-edukasyon at dapat itong tumupad ng makatwirang superbisyon at regulasyon sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.
(2) Ang mga institusyong pang-edukasyon, bukod sa mga itinatag ng mga angkat na relihyoso at mga kalupunang misyon, ay dapat na ari lamang ng mga mamamayan ng Pilipinas o ng mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung bahagdan man lamang ng puhunan nito ay ari ng gayong mga mamamayan. Gayon man, maaaring itakda ng Kongreso ang karagdagang lahok na ekwiting Pilipino sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.
Dapat sumakamay ng mga mamamayan ng Pilipinas ang kontrol at administrasyon ng mga institusyong pang-edukasyon.
Hindi dapat matatag ang ano mang institusyong pang-edukasyon na eksklusibong para sa mga dayuhan at hindi dapat humigit sa isang-katlo ng enrolment sa alinmang paaralan ang ano mang pangkat ng mga dayuhan. Ang mga tadhana ng subseksyong ito ay hindi sasaklaw sa mga paaralang itinatag para sa mga dayuhan na tauhang diplomatiko at kanilang mga dependent at, matangi kung naiiba ang itinatadhana ng batas, para sa iba pang mga dayuhan na pansamantalang naninirahan dito.
(3) Ang lahat ng mga rebenyu at mga aset ng mga institusyong pang-edukasyon na di-sapian, di-pampakinabang at ginamit nang aktwal, tuwiran at eksklusibo para sa mga layuning pang-edukasyon ay dapat malibre sa mga bwis at mga bayarin sa kalakal. Sa sandaling mabuwag o maputol ang buhay-korporasyon ng gayong mga institusyon, dapat madispos ang kanilang mga aset sa paraang itinatadhana ng batas.
Maaari ring magkaroon ng karapatan ang mga institusyong pang-edukasyon na propryetari pati yaong mga ari ng kooperatiba sa gayong mga pagkalibre salig sa mga katakdaang itinatadhana ng batas kabilang ang mga pagtatakda sa mga dibidendo at mga tadhana para sa muling pamumuhunan.
(4) Batay sa mga kondisyong itinatakda ng batas, dapat malibre sa bwis ang lahat ng mga kaloob, mga endowment, mga donasyon, o mga kontribusyon na ginamit nang aktwal, tuwiran, at eksklusibo para sa mga layuning pang-edukasyon.
SEK. 5. (1) Dapat isaalang-alang ng Estado ang mga pangangailangan at kalagayang panrehyon at pansektor at dapat pasiglahin ang lokal na pagpaplano sa pagbubuo ng mga patakaran at mga programang pang-edukasyon.
(2) Dapat tamasahin ang kalagayang akademiko sa lahat ng mga institusyon ng lalong mataas na karunungan.
(3) Ang bawat mamamayan ay may karapatang pumili ng propesyon o kurso ng pag-aaral, salig sa karampatan, makatwiran at ekwitableng mga kinakailangan sa pagpasok at mga pangangailangang akademiko.
(4) Dapat patingkarin ng Estado ang karapatan ng mga guro sa pagsulong na propesyonal. Dapat magtamasa ng proteksyon ng Estado ang mga tauhang akademiko na di-nagtuturo at mga tauhang di-akademiko.
(5) Dapat mag-ukol ang Estado ng pinakamataas na prayoriti sa pagbabadyet sa edukasyon at seguruhin na magaganyak at mapamamalagi ng pagtuturo ang nararapat na kaparte nito sa pinakamahuhusay na mga talino sa pamamagitan ng sapat na gantimpagal at iba pang paraan ng kasiyahan at katuparan sa gawain.
WIKA
SEK. 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.
Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa Sistemang pang-edukasyon.
SEK. 7. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic.
SEK. 8. Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehyon, Arabic, at Kastila.
SEK. 9. Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili.
SYENSYA AT TEKNOLOHYA
SEK. 10. Napakahalaga ng syensya at teknolohya sa pambansang pag-unlad at pagsulong. Dapat mag-ukol ng prayoriti ang Estado sa pananaliksik at pagbubuo, imbensyon, inobasyon, at sa pagsasagamit ng mga ito; at sa edukasyon, pagsasanay at mga lingkurang pansyensya at panteknolohya. Dapat suportahan nito ang mga kakayahang syentipiko at teknolohikal na katutubo, angkop at umaasa sa sariling kakayahan at ang kanilang kabagayan sa mga sistemang pamproduksyon at pambansang kapamuhayang pambansa.
SEK. 11. Maaaring magtadhana ang Kongreso para sa mga insentibo, kasama ang mga kabawasan sa bwis, upang maganyak ang paglahok na pribado sa mga programa ng batayan at gamiting pananaliksik syentipiko. Dapat magkaloob ng mga iskolarsip, kaloob-na-tulong, o iba pang mga anyo ng mga insentibo sa mga karapat-dapat na estudyante sa syensya, mga mananaliksik, mga sayantist, mga imbentor, mga teknolodyist, at mga mamamayang may natatanging likas na talino.
SEK. 12. Dapat regulahin ng Estado ang paglilipat at itaguyod ang pag-aangkop ng teknolohya mula sa lahat ng batis para sa pambansang kapakinabangan. Dapat pasiglahin nito ang pinakamalawak na paglahok ng mga pribadong pangkat, mga pamahalaang lokal, at mga organisasyong salig-pamayanan sa paglikha, at pagsasagamit ng syensya at teknolohya.
SEK. 13. Dapat pangalagaan at seguruhin ng Estado ang mga eksklusibong karapatan ng mga sayantist, mga imbentor, mga artist at iba pang mga mamamayang may likas na talino sa kanilang ari at mga likhang intelektwal, lalo na kung kapaki-pakinabang sa sambayanan para sa panahong maaaring itakda ng batas.
MGA SINING AT KULTURA
SEK. 14. Dapat itaguyod ng Estado ang pangangalaga, pagpapayaman at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino salig sa simulaing pagkakaisa sa pagkakaiba-iba sa kaligirang malaya, artistiko at intelektwal na pagpapahayag.
SEK. 15. Dapat tangkilikin ng Estado ang mga sining at panitikan. Dapat pangalagaan, itaguyod, at ipalaganap ng Estado ang pamanang historikal at kultural at ang mga likha at mga kayamanang batis artistiko ng bansa.
SEK. 16. Ang lahat ng mga kayamanang artistiko at historiko ng bansa ay bumubuo sa kayamanang kultural nito ay dapat pangalagaan ng Estado na maaaring magregula sa disposisyon nito.
SEK. 17. Dapat kilalanin, igalang, at pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa pagpapanatili at pagpapayaman ng kanilang mga kultura, mga tradisyon at mga institusyon. Dapat isaalang-alang nito ang mga karapatang ito sa pagbabalangkas ng mga pambansang plano at mga patakaran.
SEK. 18 (1) Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pagtatamo ng mga pagkakataong kultural sa pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon, mga kultural na entity na publiko o pribado, at mga iskolarsip, mga kaloob at iba pang mga insentibo, at mga pampamayanang sentrong kultural at iba pang mga tanghalang pangmadla.
(2) Dapat pasiglahin at tangkilikin ng Estado ang mga pananaliksik at mga pag-aaral tungkol sa mga sining at kultura.
ISPORTS
SEK. 19. (1) Dapat itaguyod ng Estado ang edukasyong pisikal at pasiglahin ang mga programang pang-isports, mga paligsahang panliga at mga amatyur isports, kasama ang pagsasanay para sa mga paligsahang pandaigdig, upang maisulong ang disiplina sa sarili, pagtutulungan ng magkakasama at kahusayan para sa pagbubuo ng kapamayanang malusog at mulat.
(2) Ang lahat ng mga institusyong pang-edukasyon ay dapat magsagawa ng regular na mga gawaing pang-isports sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa mga samahan sa palaro at iba pang mga sektor.
ARTIKULO XV
ANG PAMILYA
SEK. 2. Ang pag-aasawa, na di malalabag na institusyong panlipunan, ay pundasyon ng pamilya at dapat pangalagaan ng Estado.
SEK. 3. Dapat isanggalang ng Estado:
(1) Ang karapatan ng mga mag-asawa na magpamilya nang naaayon sa kanilang mga pananalig na panrelihyon at sa mga kinakailangan ng responsableng pagpapamilya;
(2) Ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad;
(3) Ang karapatan ng pamilya sa sahod at kita na sapat ikabuhay ng pamilya; at
(4) Ang karapatan ng mga pamilya o ang mga asosasyon nito na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran at mga programa na nakaaapekto sa kanila.
SEK. 4. Ang pamilya ay may tungkuling kalingain ang matatandang myembro nito ngunit maaari ring gawin ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamaraan ng kapanatagang panlipunan.
ARTIKULO XVI
MGA TADHANANG PANGKALAHATAN
SEKSYON 1. Ang bandila ng Pilipinas ay dapat na pula, puti at bughaw, na may isang araw at tatlong bituin, na dinadakila at iginagalang ng sambayanan at kinikilala ng batas.
SEK. 2. Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magpatibay ng isang bagong pangalan ng bansa, isang pambansang awit, o isang pambansang sagisag, na pawang tunay na naglalarawan at sumisimbulo ng mga mithiin, kasaysayan, at mga tradisyon ng sambayanan. Ang nasabing batas ay dapat magkabisa lamang pagkaratipika ng sambayanan sa isang pambansang reperendum.
SEK. 3. Hindi maaaring ihabla ang Estado nang wala itong pahintulot.
SEK. 4. Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay dapat buuin ng isang armadong pwersa ng mga mamamayan na sasailalim ng pagsasanay militar at maglilingkod ayon sa maaaring itadhana ng batas. Ito ay dapat magpanatili ng isang regular na pwersang kinakailangan para sa kaseguruhan ng Estado.
SEK. 5. (1) Ang lahat ng mga miyembro ng sandatahang lakas ay dapat manumpa nang taimtim o magpatotoo na ipagsasanggalang at ipagtatanggol ang Konstitusyong ito.
(2) Dapat patatagin ng Estado ang diwang makabayan at ang makabansang kamalayan ng militar, at ang paggalang sa mga karapatan ng mga mamamayan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
(3) Ang propesyonalismo sa sandatahang lakas at sapat na remunerasyon at mga benepisyo ng mga myembro nito ang dapat maging pangunahing kaabalahan ng Estado. Ang sandatahang lakas ay dapat mabukod; sa mga pulitikang partisan.
Walang sino mang myembro ng militar ang dapat na tuwiran o di tuwirang makilahok sa alin mang gawaing pampulitikang partisan, maliban sa pagboto.
(4) Ang sino mang kaanib ng sandatahang lakas na nasa aktibong paglilingkod ay hindi kailanman dapat hirangin o italaga sa alin mang tungkulin sa isang katungkulang sibilyan sa Pamahalaan gayon din sa mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan sa alinmang mga sangay nila.
(5) Hindi dapat ipahintulot ng mga batas sa pagreretiro ng mga pinunong militar ang pagpapalugit sa kanilang paglilingkod.
(6) Ang mga pinuno at mga tauhan ng regular na pwersa ng sandatahang lakas ay dapat rekrutin nang proporsyonal mula sa lahat ng mga lalawigan at mga lungsod hangga’t maaari.
(7) Ang panunungkulan ng Chief-of-Staff ng sandatahang lakas ay hindi dapat lumampas sa tatlong taon. Gayon man, sa panahon ng digmaan o iba pang kagipitang pambansa na idineklara ng Kongreso, maaaring palugitan ng Pangulo ang gayong panunungkulan.
SEK. 6. Dapat magtatag at magpanatili ang Estado ng isang pwersa ng pulisya na pambansa ang saklaw at sibilyan ang uri na pangangasiwaan at pamamahalaan ng isang pambansang komisyan ng pulisya. Ang awtoridad ng mga tagapagpaganap na lokal sa mga yunit ng pulisya sa kanilang hurisdiksyon ay itatadhana ng batas.
SEK. 7. Ang Estado ay dapat maglaan ng kagyat at sapat na pangangalaga, mga benepisyo, at iba pang mga anyo ng tulong sa mga beterano ng digmaan at mga beterano ng mga kampanyang militar, kanilang mga balo at mga naulila. Dapat ilaan ang mga pondo para rito at ang nararapat na pagsasaalang-alang ay dapat ipagkaloob sa kanila sa disposisyon ng mga pambayang lupaing sakahan at, sa nararapat na mga kalagayan, sa pagsasagamit ng mga likas na kayamanan.
SEK. 8. Upang mapataas ang mga pensyon at iba pang mga benepisyong nararapat kapwa sa mga retirado ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor, ito ay dapat rebyuhin ng Estado sa pana-panahon.
SEK. 9. Dapat pangalagaan ng Estado ang mga konsyumer laban sa mga katiwalian sa kalakalan at sa mga substandard o mapanganib na mga produkto.
SEK. 10. Dapat maglaan ang Estado ng patakarang pangkapaligiran para sa lubusang pagpapaunlad ng kakayahang Filipino at sa paggitaw ng mga istrukturang pangkomunikasyon na angkop sa mga pangangailangan at mga lunggatiin ng bansa at ng timbang na daloy ng impormasyon sa loob at labas ng bansa batay sa patakaran na gumagalang sa kalagayan ng pananalita at ng pamahayagan.
SEK. 11. (1) Ang pagmamay-ari at pamamahala ng mass media ay dapat na limitado lamang sa mga mamamayan ng Pilipinas, o sa mga korporasyon, mga kooperatiba, o mga asosasyong ganap na ari at pinamamahalaan ng gayong mga mamamayan.
Dapat regulahin o ipagbawal ng Kongreso ang mga monopoli sa komersyal na mass media kapag hinihingi ng kapakanang pambayan. Hindi dapat pahintulutan ang mga kombinasyong pumipinsala sa kalakalan o sa kompitensyang di makatwiran.
(2) Ang industrya ng adbertaysing, na nakikintalan ng kapakanang pambayan, ay dapat regulahin ng batas para sa proteksyon ng mga konsyumer at sa pagtataguyod ng kagalingang panlahat. Ang mga mamamayan o mga korporasyon o mga asosasyong Pilipino lamang na pitumpung porsyento man lamang ng kapital ay ari ng gayong mga mamamayan ang pahihintulutang pumasok sa industrya ng adbertaysing.
Ang paglahok ng mga dayuhang mamumuhunan sa namamahalang mga kalupunan ng mga entity sa nasabing industrya ay limitado sa kanilang katumbas na sapi sa puhunan niyon, at lahat ng mga pinunong tagapagpaganap at tagapamahala ng nasabing mga entity ay kinakailangang mga mamamayan ng Pilipinas.
SEK. 12. Ang Kongreso ay maaaring magtatag ng isang kalupunang mag-papayo sa Pangulo tungkol sa mga patakarang may kinalaman sa mga katutubong pamayanang kultural, na mula sa naturang mga pamayanan ang nakararami sa kanila.
ARTIKULO XVII
MGA SUSOG O MGA PAGBABAGO
(1) ng Kongreso sa pamamagitan ng tatlong-kapat na boto ng lahat ng mga Kagawad nito; o
(2) sa pamamagitan ng isang Kumbensyong Konstitusyonal.
SEK. 2. Ang mga susog sa Konstitusyong ito ay maaari ring tuwirang ipanukala sa pangunguna ng mga taong-bayan sa pamamagitan ng petisyon ng labindalawang bahagdan man lamang ng kabuuang bilang ng mga rehistradong manghahalal, na kinakailangang katawanin ang bawat purok lehislatibo ng tatlong bahagdan man lamang ng mga rehistradong manghahalal niyon. Hindi dapat pahintulutan ang ano mang susog sa ilalim ng seksyong ito sa loob ng limang taon kasunod ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ni nang malimit kaysa sa minsan tuwing limang taon pagkatapos noon.
Dapat magtadhana ng batas ang Kongreso ukol sa pagsasakatuparan ng paggamit ng karapatang ito.
SEK. 3. Ang Kongreso, sa pamamagitan ng dalawangkatlong boto ng lahat ng mga Kagawad nito, ay maaaring tumawag ng isang Kumbensyong Konstitusyonal, o sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga Kagawad nito, ay iharap ang suliranin ng pagtawag ng gayong Kumbensyon sa mga manghahalal.
SEK. 4. Ang ano mang susog o pagbabago sa Konstitusyong ito sa ilalim ng Seksyon 1 nito ay dapat na balido kapag naratipikahan ng nakararaming boto sa isang plebisito na dapat ganapin nang hindi aaga sa animnapung araw at hindi lalampas ang siyamnapung araw pagkapagpatibay ng gayong susog o pagbabago.
Ang ano mang susog sa ilalim ng Seksyon 2 nito ay dapat na balido kapag naratipikahan sa bisa ng nakararaming boto sa isang plebisito na dapat ganapin nang hindi aaga sa animnapung araw at hindi lalampas ang siyamnapung araw pagkatapos ng sertipikasyon sa kasapatan ng petisyon ng Komisyon sa Halalan.
ARTIKULO XVIII
MGA TADHANANG LILIPAS
SEKSYON 1. Ang unang halalan ng mga kagawad ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyong ito ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo, 1987.
Ang unang halalang lokal ay dapat iraos sa petsang itatakda ng Pangulo, na maaaring kasabay ng halalan ng mga Kagawad ng Kongreso. Dapat isabay dito ang halalan ng mga Kagawad ng mga sangguniang panlungsod o pambayan sa Metropolitan Manila Area.
SEK. 2. Ang mga Senador, mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ang mga pinunong lokal na unang inihalal sa ilalim ng Konstitusyong ito ay dapat manungkulan hanggang sa katanghalian ng Hunyo 30, 1992.
Sa mga Senador na mahahalal sa halalan sa 1992, ang unang labindalawa na magtatamo ng pinakamataas na bilang ng mga boto ay dapat manungkulan sa loob ng anim na taon at ang nalalabing labindalawa sa loob ng tatlong taon.
SEK. 3. Ang lahat ng mga umiiral na batas, mga dekri, mga kautusang tagapagpaganap, mga proklamasyon, mga liham tagubilin at iba pang mga pahayag tagapagpaganap na hindi salungat sa Konstitusyong ito ay mananatiling ipinatutupad hangga’t hindi sinususugan, pinawawalang-bisa, o pinawawalang-saysay.
SEK. 4. Ang lahat ng mga umiiral na kasunduang-bansa o mga kasunduang internasyonal na hindi naratipikahan ay hindi dapat irenyu o palugitan nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
SEK. 5. Ang anim na taong taning na panahon ng panunungkulan ng kasalukuyang Pangulo at Pangalawang Pangulo na nahalal sa halalan noong Pebrero 7, 1986, para sa layunin ng singkronisasyon ng halalan, ay pinalulugitan sa pamamagitan nito hanggang sa katanghalian ng Hunyo 30, 1992.
Ang unang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo sa ilalim ng Konstitusyong ito ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo, 1992.
SEK. 6. Ang kasalukuyang Pangulo ay dapat magpatuloy sa pagtupad ng kapangyarihang tagapagbatas hanggang sa pulungin ang unang Kongreso.
SEK. 7. Hangga’t hindi nagpapatibay ng batas, maaaring humirang ang Pangulo mula sa isang listahan ng mga nomini ng kinauukulang mga sektor ng mga hahawak sa mga pwestong nakalaan para sa mga kinatawang sektoral sa ilalim ng Talataan (2), Seksyon 5 ng Artikulo VI ng Konstitusyong ito.
SEK. 8. Hangga’t hindi nagtatadhana ng naiiba ang Kongreso, maaaring likhain ng Pangulo ang Metropolitan Authority na kabibilangan ng mga puno ng lahat ng mga yunit ng pamahalaang lokal na bumubuo sa Metropolitan Manila Area.
SEK. 9. Dapat magpatuloy sa pag-iral at pagkilos ang mga sub-lalawigan hangga’t hindi nagagawang regular na lalawigan o hindi naibabalik ang mga bayang komponent nito sa inang-lalawigan.
SEK. 10. Ang lahat ng mga hukumang umiiral sa panahon ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ay patuloy na tutupad ng kanilang hurisdiksyon, hangga’t hindi nagtatakda ng naiiba ang batas. Ang mga tadhana ng umiiral na mga Alituntunin ng Hukuman, mga aktang panghukuman, at mga batas prosidyural na hindi salungat sa Konstitusyong ito ay mananatiling ipinatutupad hangga’t hindi sinususugan o pinawawalang-bisa ng Kataastaasang Hukuman o Kongreso.
SEK 11. Ang kasalukuyang mga Kagawad ng Judiciary ay dapat magpatuloy sa panunungkulan hanggang sa sapitin nila ang gulang na pitumpung taon, o mawalan ng kakayahang tumupad sa mga tungkulin ng kanilang katungkulan, o tanggalin sa panunungkulan nang may kadahilanan.
SEK. 12. Sa loob ng isang taon pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, ang Kataastaasang Hukuman ay kinakailangang maglagda ng isang sistematikong plano upang mapadali ang pagpapasya o resolusyon sa mga kaso o mga bagay-bagay na nabibimbin sa Kataastaasang Hukuman o sa mga nakabababang hukuman bago magkabisa ang Konstitusyong ito. Dapat magpasunod ng katularing plano para sa lahat ng mga tanging hukuman at mga kalupunang mala-panghukuman.
SEK. 13. Ang epektong legal ng pagkalaos, bago maratipikahan ang Saligang-Batas na ito, ng aplikableng panahon para sa pagpapasya o resolusyon ng mga kaso o mga bagay-bagay na idinulog para hatulan ng mga hukuman ay dapat determinant ng Kataastaasang Hukuman sa lalong praktikableng panahon pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito.
SEK. 14. Ang mga tadhana ng mga talataan (3) at (4), ng Seksyon 15 ng Artikulo VIII ng Konstitusyong ito ay dapat sumaklaw sa mga kaso o mga bagay-bagay na idinulog bago maratipikahan ang Konstitusyong ito, kapag ang aplikableng panahon ay malalaos pagkaraan ng gayong ratipikasyon.
SEK. 15. Ang kasalukuyang mga Kagawad ng Komisyon sa Serbisyo Sibil, Komisyon sa Halalan, at Komisyon sa Awdit ay dapat magpatuloy sa panunungkulan sa loob ng isang taon pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, matangi kung maalis nang lalong maaga bunga ng makatwirang kadahilanan, o mabalda upang di na magampanan ang mga tungkulin ng kanilang katungkulan, o mahirang sa bagong taning ng panunungkulan doon. Kailanman, ang sino mang Kagawad ay hindi dapat maglingkod nang matagal kaysa pitong taon kasama ang paglilingkod bago maratipikahan ang Konstitusyong ito.
SEK. 16. Ang mga Kawani ng career civil service na itiniwalag sa lingkuran nang hindi sa makatwirang kadahilanan kundi bilang resulta ng reorganisasyon na naaalinsunod sa Proklamasyon Blg. 3 na may petsang Marso 25, 1986 at ng reorganisasyon kasunod ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ay dapat tumanggap ng nararapat na sahod sa pagkatiwalag, at ng mga benepisyo sa pagreretiro at iba pang mga benepisyo na nauukol sa kanila sa ilalim ng mga batas na pangkalahatang ipinatutupad sa panahon ng pagtitiwalag sa kanila. Sa halip nito, sa opsyon ng mga kawani, sila ay maaaring isaalang-alang para maemploy sa pamahalaan, o sa alin man sa mga bahagi, mga instrumentaliti, o mga ahensya nito, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng Pamahalaan at kanilang mga subsidyari. Sumasaklaw rin ang tadhanang ito sa career officers na ang pagbibitiw ay tinanggap nang naaalinsunod sa umiiral na patakaran.
SEK. 17. Hangga’t hindi nagtatadhana ng naiiba ang Kongreso, ang Pangulo ay dapat tumanggap ng sahod na tatlong daang libong piso sa isang taon; ang Pangalawang Pangulo ang Pangulo ng Senado, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, at ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, dalawang daa’t apatnapung libong piso bawat isa, ang mga Senador, ang mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ang mga Kasamang Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ang mga Tagapangulo ng mga Komisyong Konstitusyonal, dalawang daa’t apat na libong piso bawat isa; at ang mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, isang daa’t walumpung libong piso bawat isa.
SEK. 18. Sa pinakamaagang posibleng panahon, dapat itaas ng Pamahalaan ang antas ng sahod ng iba pang mga opisyal at mga kawani ng pamahalaang pambansa.
SEK. 19. Ang lahat ng mga ariarian, mga rekord, kagamitan, mga gusali, mga pasilidad, at iba pang mga ariarian ng alin mang tanggapan o kalupunan na binuwag o nireorganisa sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 3 na may petsang Marso 25, 1986 o ng Konstitusyong ito ay dapat ilipat sa tanggapan o kalupunan na kinauukulan ng malaking bahagi ng mga kapangyarihan, mga gawain, at mga pananagutan nito.
SEK. 20. Dapat pag-ukulan ng prayoriti ng unang Kongreso ang pagtatakda ng panahon para sa lubos na pagpapatupad ng libreng pambayan na edukasyong sekundarya.
SEK. 21. Dapat magtadhana ang Kongreso ng mabisang prosidyur at sapat na mga remedyo para sa rebersyon sa Estado ng lahat ng mga lupaing aring-bayan at mga karapatang real na kaugnay niyon na nakuha nang labag sa Konstitusyon o sa mga batas sa lupaing pambayan, o sa pamamagitan ng corrupt practices. Hindi dapat ipahintulot ang paglilipat o disposisyon ng gayong mga lupain o mga karapatang real hangga’t hindi lumilipas ang isang taon mula sa ratipiskasyon ng Konstitusyong ito.
SEK. 22. Sa pinakamaagang posibleng panahon, dapat iyekspropreyt ng pamahalaan ang tiwangwang o pinabayaang mga lupaing pang-agrikultura, gaya ng maaaring pagpapakahulugan ng batas, para maipamahagi sa mga benepisyaryo ng programa sa repormang agraryan.
SEK. 23. Ang mga adbertaysing entity na apektado ng talataan (2), Seksyon 11 ng Artikulo XVI ng Konstitusyong ito ay bibigyan ng limang taon mula sa ratipikasyon nito na tumupad nang bai-baitang at sa baseng proporsyonal sa minimum na pagmamay-aring Pilipino na kinakailangan para roon.
SEK. 24. Dapat lansagin ang mga pribadong armi at iba pang mga armadong pangkat na hindi kinikilala ng awtoridad na itinatag gaya ng nararapat. Ang lahat ng mga pwersang para-militar, kabilang ang Civilian Home Defense Forces, na hindi naaayon sa armadong hukbo ng mga mamamayan na itinatag sa Konstitusyong ito ay dapat buwagin, o gawin, saan man naaangkop, na mga hukbong regular.
SEK. 25. Sa pagwawakas sa 1991 ng Kasunduan ng Republika ng Pilipinas at ng United States of America tungkol sa mga Base Militar, ang mga dayuhang base militar, mga tropa o mga pasilidad ay hindi dapat pahintulutan sa Pilipinas maliban sa ilalim ng mga termino ng kasunduang-bansa na kinatigan gaya ng nararapat ng Senado, at kung hiningi ng Kongreso ay niratipikahan sa pamamagitan ng mayoryang boto ng mga mamamayan sa isang reperendum na iniraos para sa layuning iyon, at kinikilalang kasunduang-bansa ng kabilang panig na nakikipagkasunduang Estado.
SEK. 26. Ang ano mang awtoridad sa pag-iisyu ng sikwestresyon o atas sa pagpigil sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 3, may petsang Marso 25, 1986 kaugnay sa pagbawi ng kayamanang nakuha sa masamang paraan ay mamamalaging ipinatutupad sa loob ng hindi hihigit sa labingwalong buwan pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito. Gayon man, para sa kapakanang pambansa, gayang pagkasertipika ng Pangulo, maaaring palugitan ng Kongreso ang naturang panahon.
Ang order sa sikwestresyon o pagpigil ay dapat lamang iisyu pagkapakita ng kasong prima facie. Ang order at ang listahan ng mga ariariang sinekwester o pinigil ay dapat irehistro kasunod niyon sa mga kaukulang hukuman. Ukol sa mga order na inisyu bago maratipikahan ang Konstitusyong ito, dapat iharap ang kaukulang aksyon o kaparaanang panghukuman sa loob ng anim na buwan sa ratipikasyon nito. Tungkol sa mga inisyu pagkaraan ng gayong ratipikasyon, ang aksyon o kaparaanang panghukuman ay dapat iharap sa loob ng anim na buwan mula sa pagkaisyu niyon.
Ang sikwestresyon o atas sa pagpigil ay itinuturing na awtomatikong binawi kung walang sinimulang aksyon o kaparaanang panghukuman ayon sa itinatakda rito.
SEK. 27 Ang Konstitusyong ito ay dapat kagyat na magkabisa sa sandaling maratipikahan ng mayoryang boto sa isang plebisito na itinawag para sa layuning iyon at dapat pumalit sa lahat ng naunang mga Konstitusyon.
Ang sinusundang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas ay pinagtibay ng Komisyon Konstitusyonal ng 1986 noong ikalabin-dalawang araw ng Oktubre Labinsiyam na raan at walumpu’t anim, at nilagdaan nang naaayon noong ikalabinlimang araw ng Oktubre Labinsiyam na raan at walumpu’t anim sa Plenary Hall, National Government Center, Lungsod ng Quezon, ng mga Komisyoner na lumagda rito.
(LGD.) Cecilia Munoz Palma
President
(LGD.) Ambrosio B. Padilla
Vice-President
(LGD.) Napoleon B. Rama
Floor Leader
(LGD.) Ahmad Domocao Alonto
Asst. Floor Leader
(LGD.) Jose D. Calderon
Asst. Floor Leader
(LGD.) Yusuf R. Abubakar
(LGD.) Felicitas S. Aquino
(LGD.) Adolfo S. Azcuna
(LGD.) Teodoro C. Bacani
(LGD.) Jose F.S. Bengzon, Jr.
(LGD.) Ponciano L. Bennagen
(LGD.) Joaquin G. Bernas
(LGD.) Florangel Rosario Braid
(LGD.) Crispino M. de Castro
(LGD.) Jose C. Colayco
(LGD.) Roberto R. Concepcion
(LGD.) Hilario G. Davide, Jr.
(LGD.) Vicente B. Foz
(LGD.) Edmundo G. Garcia
(LGD.) Jose Luis Martin C. Gascon
(LGD.) Serafin V.C. Guingona
(LGD.) Alberto M.K. Jamir
(LGD.) Jose B. Laurel, Jr.
(LGD.) Eulogio R. Lerum
(LGD.) Regalado E. Maambong
(LGD.) Christian S. Monsod
(LGD.) Teodulo C. Natividad
(LGD.) Ma. Teresa F. Nieva
(LGD.) Jose N. Nolledo
(LGD.) Blas O. Ople
(LGD.) Minda Luz M. Quesada
(LGD.) Florenz D. Regalado
(LGD.) Rustico F. de los Reyes, Jr.
(LGD.) Cirilo A. Rigos
(LGD.) Francisco A. Rodrigo
(LGD.) Ricardo J. Romulo
(LGD.) Decoroso R. Rosales
(LGD.) Rene V. Sarmiento
(LGD.) Jose E. Suarez
(LGD.) Lorenzo M. Sumulong
(LGD.) Jaime S.L. Tadeo
(LGD.) Christine O. Tan
(LGD.) Gregorio J. Tingson
(LGD.) Efrain B. Trenas
(LGD.) Lugum L. Uka
(LGD.) Wilfrido V. Villacorta
(LGD.) Bernardo M. Villegas
Pinatunayan:
(LGD.) Florida Ruth P. Romero
Secretary-General
Niratipikahan ng mga manghahalal sa plebisitong idinaos para sa layuning ito noong Pebrero 2, 1987.
Source : http://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/ang-konstitusyon-ng-republika-ng-pilipinas-1987/
No comments:
Post a Comment